balagtas.org

balagtas.org

Tularaw - PUSO NG POKPOK

PUSO NG POKPOK

Pinarating at ipinasuri sa balagtas.org ng isang Dolores Dina Flores ang tula ngayong PUTANAGA:

"Malalamog ding gaya
ng katawang nabilad,
ang puso ko'y sumama
sa saplot na hinubad."

Bagay ang pamagat: pag-atake sa problemang isasatinig, ang mekanikal na karanasang karnal.

Sa pamagat pa lang, inatake agad ang problema sa karanasang karnal.

Ayaw na ng puta na umasang may lalaking tunay na magmamahal sa kanya.

Mapuwersa ang imaheng nalikha ng 2 huling linya. May titis ng himagsik ang hinagpis, tila pagtiwalag sa "lamog" na kalagayang matutuyot.

Matatag na nagamit ng awtor ang pormang tanaga: mabilis, malakas at mabisang narendahan ang tema.

(LEA)
tularaw

Wika Nga - SI 'BULAGSAK' AKA 'AKSAYA' SA LILIM NG AKASYA

SI 'BULAGSAK' AKA 'AKSAYA' SA LILIM NG AKASYA

"Bulagsak" si Atanacio, mapag-aksaya (mapagsayang) ng pera o kabuhayan. Nagbenta ng lahat ng sariling ari-arian, nakalilim sa akasya si Aksiyong Aksaya. Pakonsuwelo niya sa buhay ang salitang "saya" (glad) na nakakabit sa alyas niya. Para siyang "lagsak"--bunton ng sukal o basura. Naging "bulag" si Atanacio sa pagpili ng gawaing gagampanan. Nagpakaadik kasi sa kaliwa't kanang bisyo. Todo"bagsak" siya. Masasabi rin na kakulay ng lilim ang kanyang kamalayan.
wikanga

Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Ika-2 sa Serye)

TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA
(Ika-2 sa serye)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Taglay ng piyesa ang mga pamilyar na sangkap sa maharayang paglalakip, gaya ng "amihan" at "habagat."

Ang literal na kahulugan ng mga iyan ay nalikha bilang mapagpahiwatig na kabatirang makirot: "bulaklak na matalim ang hugis," na bahagi ng tanawing rural.

Nakasalig sa tagisan ng memorya at olvido ang tematikong tirada.

Ipinaloob sa "Berso Buhat sa Baryo" ang dalawang panahong pantumbas sa tagisan (tag-araw at tag-ulan): isang dula ng matimyas na lumipas at mapait na kasalukuyan.

Imahinasyon ng makata ang tanghalan; mula sa imahinasyon, lumipat-lumapat sa damdamin ang dula, at vice versa. (TATAPUSIN)
obramuwestra

Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Huling Bahagi)

TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Huling Bahagi)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Mayorya ng aking mga tulang liriko nabuo sa sandali ng pangungulilang nagbunsod para mai-concratize ang creative solitude.

Dapat pansinin: nag-uulit ako ng mga salita't imaheng nagamit ko sa ibang sariling tula. Gayunman, iba ring kabatiran ang umiigkasmula sa mga estropa ng partikular na bagong piyesa.

Ihambing ang " Berso Buhat sa Baryo" sa mga lirikong tulang kabilang sa aking mga aklat ng tula, para makita ang kaibahan.

Ang diskurso, o mga notasyong ito ay malinaw na nagpapanukala: Tugunan ang problema ng bawat tulang isasalang sa workshop, na liriko, siksik ang structure pero buhaghag ang emosyon.
obramuwestra

Tamali - BALIKBARYONG METRO KID

BALIKBARYONG METRO KID

Bakit nagkaganito? Maghapong nagsusugal ang matatanda. Magdamag tumotoma ang kabataan.

Nahihiwagaan ba sila sa akin pag ginigrit ko sila? Putris, iisa lang naman ang wika namin.

Teka, baka naiwan ko sa Metro ang itsura ko. O dinadaya ko'ng pandinig nila.

Dito na lang siguro sa liblib ako muling bababa. Sa dakong ito ng nayong sinilangan, medyo enjoy ako.

Pa-installment, ibinabalik dito ng simoy ang nakahahawang tawa ng mga kababata kong matagal nang patay.

(Beloy Lonero)
tamali

Saganang Akin - BUHAY PA, EMBALSAMADO NA

BUHAY PA, EMBALSAMADO NA

Depende sa life style ang haba at ikli ng buhay ng tao. Kuwestiyon iyan ng kalusugan.

Regular ba'ng exercise? Walang bisyo? Anong food ang kinokonsumo? Sagot dito sa huli, you are what you eat.

Nutrition ang tuon. Anang kasabihan, kumain ka ng gulay para humaba ang iyong buhay.

Tama iyan, noong di pa pineperwisyo ng elementong kemikal ang kalikasan.

Eh ngayon? Laos na raw ang paggamit ng likas na fertilizer. So, "pampalusog" sa aanihing pananim na gulay ang ibinombang sobrang pestisidyo.

Fresh tingnan, pero buhay pa eh...embalsamado na, kung baga.

Ay, buhay; wala na yatang ligtas kainin ang modernong tao. Kaya halos magkatabi lang ang duyan at hukay.

(Celing Labuyo)
saganangakin

Puting Uwak - PAPEL NG KONSEHAL SA KONTRATANG LAWAY

PAPEL NG KONSEHAL SA KONTRATANG LAWAY

Isang konsehal, Nago Aguilar ng barangay P. sa Cabiao, N. Ecija ang naging "tulay" pahantong sa kontratang laway.

Sabi ito ng latest "victim" ng "kontratistang Ruel Gamboa" na isinumbong dito sa balagtas kamakailan.

Sabi pa ng victim (ayaw ipabanggit ang ngalan): pinsan ng misis niya si konse Nago. Kahit nakatango na silang mag-asawa sa mas kilalang kontratista, kay Gamboa nila ibinigay ang trabahong ayos-bahay. Rekomendado ito ng konse.

Nang ibitin ng suspek ang trabaho at di na sumipot pagkakuha ng perang pambili ng gamit, may nagsabing marami nang niloko si RG.

"Konse, tulungan mo sana akong bawiin yung pera," panawagan ng victim kay Aguilar.

Ibig daw niyang isiping pati si Nago ay "nagoyo" ng suspek. Pero sanggang dikit umano ang dalawa.

May Nago, este, Agno River na di laway ang umaagos; ewan kung may tulay roong madadapuan ng puting uwak, sabi ng balagtas sa victim.
putinguwak

Portada - CORRUPTION AY 'INSPIRASYON'

CORRUPTION AY 'INSPIRASYON'

Most corrupt sa Asia at 8th most corrupt sa buong mundo ang Pilipinas, ayon sa Transparency International at World Bank na nagranggo sa mga bansa.

Nagunita ng Balagtas ang mga makata ng ibang bansa na kabulukan ng lipunan ang naging "inspirasyon" sa pagsulat.

Humalaw ang Balagtas sa isang piyesa at pinamagatang ISANG BANSANG NABUBULOK. Angkop marahil sa RP ang sumusunod na estropa:

Tahimik na gubat ang pinupuno ng buwan
ng mga larawan ng mga patay na bayani.


O lilik na buwan!
Sa batuhang nakapaligid
yumayakap ang pag-ibig:
pangitain ng panahong napabantog.

Asul na liwanag:
patungo sa siyudad ng lahing nabubulok,
iginagayak ang madilim na kinabukasan ng kanilang mga apo.
O buwan, balot ka ng anino--
nagbubuntong-hininga sa basyong kristal
ng lawa sa kabundukan.
portada

Bersong Barbero - IYANG PAMAHIING NAKAGISNAN NATIN

IYANG PAMAHIING NAKAGISNAN NATIN

May philosopher po na minsang nagwika,
"Ang pagkatao mo ang iyong tadhana."
Angkop sa sinumang nilumpong mistula,
ng basyong batayan, ang malay at haka.
Mababanggit dito'y mga pamahiing
kung dinidinig man hindi nililining,
basta nakagisnan takot na suriin
kung sakto o saltod lagi sa gawain.
Isang halimbawa ang trahe de boda:
masamang isukat umano ng nobya;
papaano naman kung kulang o sobra
ang yari? A, iya'y mas masamang suma.
Huwag pong isiping kawalan ng galang
ang tila pagdedma sa matandang asal.
Kung may pangyayaring nagkataon lamang,
tama bang tanggapin kahit habambuhay?
Tradisyon ang aking tawag sa tuntuning
nakapagsusulong ng wastong layunin,
isang salalayang laging malargahin:
tila po di saklaw iyang pamahiin.
bersongbarbero

Tularaw - AKLAT NG TULARAW: ISANG PASAKALYE

AKLAT NG TULARAW: ISANG PASAKALYE

ni Boni Baltazar

Matagal na akong mala-retirado
dahil sobrang ilap ang mga trabaho,
lalong-lalo iyong pangangabisado
ng piglas at tadyak na pamperyodismo.

Hahabay ba ako sa dati at dati,
gaya ng avenue, boulevard at alley?
Uuwing nagbilang ng poso at poste
at saka susuntok sa bintana't katre?

Ito ang panahon ng pamamahayag
na tadtad ng tagpi ang sariling butas;
nahalata nito ang aking pag-angas
kontra sa masobre at pakunwang lunas.

Ano ang gagawin? Nag-igkasang pantig
sa aking sentido ang yugtong masakit;
pag sino't alinma'y kusang nagkakait,
huwag hahabulin kung talagang lihis.

Panahon din (noong ako'y empleado)
ang paulit-ulit na sinangguni ko
at ang naisagot: Puluting ehemplo
ng may ginagawa ay walang trabaho.

Mangyari pang higit dito ang nag-udyok
ng pagpapapiglas ng mga taludtod;
kaya paghigit din sa basta pagmukmok
ang inatupag kong may siste at rubdob.
tularaw

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next