AKLAT NG TULARAW: ISANG PASAKALYE
ni Boni Baltazar
Matagal na akong mala-retirado
dahil sobrang ilap ang mga trabaho,
lalong-lalo iyong pangangabisado
ng piglas at tadyak na pamperyodismo.
Hahabay ba ako sa dati at dati,
gaya ng avenue, boulevard at alley?
Uuwing nagbilang ng poso at poste
at saka susuntok sa bintana't katre?
Ito ang panahon ng pamamahayag
na tadtad ng tagpi ang sariling butas;
nahalata nito ang aking pag-angas
kontra sa masobre at pakunwang lunas.
Ano ang gagawin? Nag-igkasang pantig
sa aking sentido ang yugtong masakit;
pag sino't alinma'y kusang nagkakait,
huwag hahabulin kung talagang lihis.
Panahon din (noong ako'y empleado)
ang paulit-ulit na sinangguni ko
at ang naisagot: Puluting ehemplo
ng may ginagawa ay walang trabaho.
Mangyari pang higit dito ang nag-udyok
ng pagpapapiglas ng mga taludtod;
kaya paghigit din sa basta pagmukmok
ang inatupag kong may siste at rubdob.