Mga senyal ng kabuwayan (infirmity) ng katawan at isip ang mas batayan ng pagtanda. Ito ang mapanudyong pasubali ni Mark Twain sa old age na ibinabatay lang sa mga taon.
Binigyan niya ako ng idea para ilahad ang pananaw ko sa paglipas ng panahon.
Pakitingnan sa naritong sinulat kong tularaw kung may kaugnayan ito sa pasubaling Twain:
Ikaw, kahapon ko, ang napayayakap bilang tagapawi ng pagkabagabag. Mutya ka ngang tunay na walang katulad kung dulutan ako ng sigla at alab. Huwag ipangamba ang iyong pagkupas kahit itangi ko ang ngayon at bukas.
Nahihirapan silang basahin ang resetang dala ng bawat isa. Ang madali ay sumiksik sa pila, dumampot ng sirup, tabletas, kapsula. Sa pag-uwi, iniisip daw nila ang layo ng lalakarin; wala muling natira kahit singkong duling. Agad mababasa sa mukha ng bata at matanda: Sana, muli silang magkita-kita sa botika, hindi sa punerarya.
Sa ilong ko ibinulong ng amihan ang balitang masaya ka nang pumanaw, ibinigay ang huli mong kahilingang makahitit ng sanhi ng karamdaman. Inilulan ko sa usok ang mataos na dalanging mamanatag ka nang lubos; mga upos sa ibabaw nitong puntod ang iiwang alaalang hugis-kurus.
Tularaw - KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.
KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.
ni Boni Baltazar
Kambal na retador ng mortalidad ang gunita at haraya.
Muling lumalalang ng mundo ng lipol na lahi siyang pinawanahan ng pighati.
Silang nangamatay ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihan sa pagbubuo: iniuukilkil ang kaayusang iginuho ng pagbabagong mapang-aglahi; humahangos ang kanilang abuhing mga tinig na nagtutustos ng maalab na hininga sa kanyang panitik.
Nasa mundo nila ang mundo niya ngayong umiikot nang walang pagkahambal sa mga kalansay na naglutang sa mga dagat, naghambalang sa mga lupalopng modernong panahon.
Isinasatinig niya ang napugto nilang mga pangarap, hinahango ang isang kahapong karapat-dapat maitampok.
Selebrasyon ito ng karera niyang mapaghanap, mapag-ampon, at mapanghusga--
Negasyon ng mga sublebasyong panlipunang pinag-aanihan ng lagim ng sangkatauhan.
Ano pa ba ang di nasabi tungkol sa romantic love? Wala na. Pero maraming dapat ipakita. Isang demonstrasyon nito ang "Bisperas ng Kasal" ni Amado Amorco:
Mahabang putol ng iyong malusog malago maitim na buhok ang ibinunyag ng kahong dumating.
Bumuhol sa aking panimdim ang kasamang kalatas: hindi ganap na hihiwalay ang sintang ihaharap ng iba sa altar.
Ano pa ang maiuukol ko sa pampalubag-loob na ito?
Hindi puputi ang munting bungkos; makakapal na hibla ng alaala ang mag-uunahang kumupas at malagas, habang nakalilim sa sinawing palad.
Ang maganda ngayon, ayaw nang pabugahan ng tubig ang demonstrasyong nagbubuga ng talumpating maapoy.
Naiisip ito ng miron na tumilapon, gininaw at sinumpong ng hika, sa sinalihan niyang demong kinanyon ng mga bombero noon.
Higit na maganda, o pinakamaganda kung magagaya sa akin ang nangarito sa kilos protesta. Naisipdin ito ng beterano ng larong sala sa lamig, sala sa init.
Anang Suwi ng Talahib: Sapat na ang kakulumpong ginamit sa dinding, bubong; sasapit daw ang panahong may papel din ako roon.
Ba't malungkot kang nagbalik? Nagpaalam kayong sabik nang hakutin at umalis.
Anang Butil ng Buhangin: Agad akong humulagpos, sila'y tiyak na susunod. Papel naming gagampana'y di pampader, di pantulay sa magarbong kaligiran. Noon bigla kong naisip: balak kaming gawing lubid.
Isang lalaking pinindeho (pinagtaksilan ng misis niya) ang tahimik na nagdurusa. Kalagayan ito na sinalukan namin ng damdaming nirimahan. Salatin natin sa (piyesang) SUSI ang sentimyento niya na ganito inilarawan:
Isang susi ang pumaloob sa kahapong sandakot. Itinapon ito ng ginang na nagkasusi sa ibang bahay.
Nagkapilat sa dibdib siyang ulila sa silid. Pabukas-bukas ang palad: may hugis-susing pilat.
Pantiyak sa pagiging tula ng SUSI ang sistema ng pahiwatig: malalim na damdamin at malinaw na kaisipan sa pinulot, inalagaang sagisag ng pag-ibig.