AKALA SA MAKATA
Na makata ang sinumang bumibigkas lang ng tula ay pag-aakala ng isang lalaking nagpakilalang "makata" ng Baryo San Gregorio.
Nagpunta siya sa aming nayong karatig ng BSG, may kailangan daw sa ama ko.
"Patutulain ako sa program ng munisipyo sa linggong darating. Magpapagawa ako ulit ng tula sa ama mo," sabi sa akin ng lalaki.
"Ano po ang papaksain ng tula?" Sagot niya ay kahit ano, basta bagong gawa.
Nagkamot ako ng batok. "Pag may student na ang sadya ay gaya ng sa inyo, ako po ang pinagagawa ni Tatay."
"Aha! Makata ka rin pala! Ngayon lang kasi kita nakita."
Naitanong ko:"Alam po ba sa mga okasyong dinaluhan n'yo...na ama ko ang gumawa ng mga tulang ipinarinig n'yo?"
Biglang namutla, tila napahiya, nagpaalam at kumahog siyang umalis. Nakuha niya ang punto ko.
Walang kakayahang bumuo ng sariling tula, mambibigkas siya pero hindi makata.
--
Boni Baltazar