RIMA SA DUSA
Isang lalaking pinindeho (pinagtaksilan ng misis niya) ang tahimik na nagdurusa. Kalagayan ito na sinalukan namin ng damdaming nirimahan. Salatin natin sa (piyesang) SUSI ang sentimyento niya na ganito inilarawan:
Isang susi ang pumaloob
sa kahapong sandakot.
Itinapon ito ng ginang
na nagkasusi sa ibang bahay.
Nagkapilat sa dibdib
siyang ulila sa silid.
Pabukas-bukas ang palad:
may hugis-susing pilat.
Pantiyak sa pagiging tula ng SUSI ang sistema ng pahiwatig: malalim na damdamin at malinaw na kaisipan sa pinulot, inalagaang sagisag ng pag-ibig.
(LEA)