KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.
ni Boni Baltazar
Kambal na retador ng mortalidad ang gunita at haraya.
Muling lumalalang ng mundo ng lipol na lahi siyang pinawanahan ng pighati.
Silang nangamatay ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihan sa pagbubuo: iniuukilkil ang kaayusang iginuho ng pagbabagong mapang-aglahi; humahangos ang kanilang abuhing mga tinig na nagtutustos ng maalab na hininga sa kanyang panitik.
Nasa mundo nila ang mundo niya ngayong umiikot nang walang pagkahambal sa mga kalansay na naglutang sa mga dagat, naghambalang sa mga lupalopng modernong panahon.
Isinasatinig niya ang napugto nilang mga pangarap, hinahango ang isang kahapong karapat-dapat maitampok.
Selebrasyon ito ng karera niyang mapaghanap, mapag-ampon, at mapanghusga--
Negasyon ng mga sublebasyong panlipunang pinag-aanihan ng lagim ng sangkatauhan.