SAWING PUSO, WAGING KURO
Sa pagsulat ng tula ng pag-ibig, gawing sementado ang unawaang ano at paano.
Kung hindi, baka lumitaw na nakalupasay sa lungkot ang makata.
Halimbawa ng linyang "first love never never dies" sa kanta ang sisipatin nating bersong BABAE SA ULAN:
Nakatingin siya sa kawalan
habang naglalakad, may dalang nakatiklop na payong.
Saan kaya galing? bulong
ng alaalang naambunan.
Pagtalikod sa bintanang kasasara,
kinapa ko ang sariling damdamin;
tag-araw kami huling nagkaharap:
Panakaw na sulyap niya
sa handog kong bulaklak;
pag-uwi kong tinatalunton
ang hiwalay na landas.
Malalim ang unang sugat
na pinaghilom ng pagkamaginoo.
Sinangguni ko ito
makaraang matunghayan
ang babae sa ulan.
Taglay ng piyesa ang matinding pahiwatig, na dapat lang asahan sa makatang sanay dumistansiya sa dagok ng pagsinta.
Dalawang panahon ang saklaw ng tula, alinsunod sa kumpulan ng mga sagisag na abstrakto at kongkreto.
Ang pananalinghaga ay agad inihudyat ng dating nobyang "nakatanaw sa kawalan" at "nakatiklop na payong" ang dala gayong umuulan.
Hindi mahalagang sagutin ang tanong na "saan kaya galing?" Sapat na ang tirada ng dating nobyo bilang makatang nakaiwas maglupasay sa kalungkutan.
--
Leo Amorco