ISANG BERSONG NILINGON PAGKARAAN NG 35 TAON
"Babae sa Ibabaw ng Tarundon" ang isa sa aking mga tula ng paghanga at pagnanasa, na garapal ang pagkasulat ng 1st draft.
Itinabi ko ito, ipinaghintay ng rebisyon, nalimutan, nahalungkat sa file matapos ang 35 taon.
Once and for all, sabi ko sa sarili, dapat tutukan, palitawing iba ang lascivious sa erotic.
Sumailalim sa transpormasyon ang piyesa; pamagat lang ang di nagalaw. Eto ang kabuuan, na pinagdudahan ko noon kung tula nga:
Lumangoy sa aking imahinasyon
ang babaeng hinabol ko ng tingin:
malaking bulas, nakabakat
sa kamisatsinong suot
ang kambal na alindog.
Mulang sapang nilusong
hanggang pagkabila sa tarundon,
ginambala ako ng pusag
sa ilalim ng aking puson.
Sininghalan ko, saka pinakinggan
sa buslo ang nadakma,
pumapalag na mga isda.
Sakaling muling dumaan
ang di-kilalang dilag,
aalayan ko ng santimbang dalag.
(LEAntonio)