balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - LIHAM NI RIZAL SA UNANG KATIPAN NIYANG 14 ANYOS

LIHAM NI RIZAL SA UNANG KATIPAN NIYANG 14 ANYOS

Ikaw, Segunda
ang nagsimulang magturo
sa akin ng kataka-taka,
kapana-panabik,
kapanga-pangambang pagpintuho.

Ninais kong talikuran ang layuning nailunsad:
may katipan ka na,
ayokong makasugat sa pag-ibig
ang aking panig.

Tinipan kita sa panaginip;
nagisnan sa siyudad;
pinagliwanag ng pagtalikod mo
sa kanya ang pitak sa damdaming ito.

Pinantig ta
sa pintig ang unawaang ganap
na mamumukadkad
kapag nagkita tayo sa Laguna.

Bakit nagdalawang-loob ako
nang dumating
ang sasakyan mo, nagwagayway ka
ng panyolito,
at natulos ako sa gilid ng daan
at naghubad lang ng sumbrero?

O, masimbuyong pagwawari...
Ay, pagkakiming naghari.
Pasintabi kung tuluyang naglaho
sa paningin ang umasang paraluman.

Senyorita Segunda Katigbak:
Habang naglalakbay
at nagsusunog ako ng kilay
sa malayong lupalop, naglalayag sa balintataw
ang isang dalagita--

Siya na unang guro ng puso
ng kabataang anak ng Kalamba.

--Tula ni LAMBERTO E. ANTONIO
obramuwestra

Tamali - DOKLING SA (MEDICAL) PROFITEERING (Una sa 2 Bahagi)

DOKLING SA (MEDICAL) PROFITEERING

(Una sa 2 Bahagi)

Karga pa ba ng RP media ang ad tungkol sa dapat bilhing food supplement at pantakot na bawal magkasakit? Ang tiyak ay konektado ito sa duel ng health care at profit principle.

At pinakatiyak ang patutsada ng isang social critic: "If there is one area of human endeavor where private enterprise doesn't work, it's health care".

Si Barbara Ehrenreich ang critic. Sa isa niyang libro, may seleksiyong nagsasaad ng sumusunod (na halaw).

Isang partikular na lurid case ng medical profiteering ang nasa porma ng isang Dr. Prem Reddy, "who owns 8 hospitals".

"I do not begrudge any physician a comfortable lifestyle," ani Barang, "good doctoring is hard work-but Dr. Reddy dwells in a 15,000-square foot mansion featuring gold-plated toilets and keeps a 2nd home, valued at more than $9 million, in Beverly Hills as well as a $4.4M helicopter for commuting".

(Tatapusin)
tamali

Bersong Barbero - DISKARTENG PAMBATA NG ISANG MATANDA

DISKARTENG PAMBATA NG ISANG MATANDA

Tulang pangmatanda
ay singitan ko raw
ng pambatang tula
kahit na pahapyaw.

Okey, may naimpok
ang barberong gurang
na apat na tumpok
nitong kamusmusan.

(1) ANYAYA NG AMPALAYA

Gulay na mapait,
berde at kulubot,
kainin mo, paslit,
ikaw ay lulusog.

(2) AAKALAING GARDEN

Lirio, bulaklaking
baro ang suot mo,
baka ka habulin
niyong paruparo.

(3) NAKATINGIN SA BUWAN

Pusa kong maitim,
nasa pasamano;
gusto bang sagipi'y
buwan sa estero?

(4) KAY ISKONG IKOT

Hilig mo'y umikot
sa bakanteng lugar;
may trumpong napulot,
naging kaikutan.
bersongbarbero

Tamali - DOBLE ABISO

DOBLE ABISO

(1) KABALAHIBO

Buntot mo, hatak ko;
sungay ko, pigil mo,
kaya nasiguro:
magkabagay tayo.

(2) KONTRAPELO

Aalayan kita
ng rosas na pula,
bago ka pigtalin
ng aking patalim.

(Celine Labuyo)
tamali

Saganang Akin - PALIGSAHAN NG MGA BUNTIS: MODEST PROPOSAL NG ISANG PASTOR

PALIGSAHAN NG MGA BUNTIS: MODEST PROPOSAL NG ISANG PASTOR

ni Pedro San Pablo XI

Tugon sa populasyong mabilis
lumobo ang pagsaludo sa buntis:
ilunsad ang paligsahang Dakma Tiris.

Magtutumpok ako ng milyong
atis at kamatis mula sa aking plantasyon
at magpepremyo ng limpak na datung.

Sanlibong naunang nagpalistang kagampan
ang sa 100 entablado'y mag-uunahang
umakyat; 10 superbilis ang maglalabanan.

Unahan muling aakyat ang 10 mutya,
dadakma ng atis at kamatis, ipampipiga
ang kili-kiling magkabila.

Batay sa dami ng inorasang pagtiris
ang pipiliing 3rd, 2nd at 1st;
premyado pati pitong karangalang-banggit.

Isang pagkilala sa pagka-konsintidor
ng lipunan sa live-in itong kompetisyon;
kaya puwera ang kasal na babong.

Puro baog ang hihiranging hurado.
Kung may manganganak ora mismo,
isang ambulance ang sasaklolo.

Aamuyin ng isang lupon ang napitpit
sa pagkaipit, at dito mababatid
kung sinong kalahok ang may matinding anghit.
saganangakin

Tamali - DOKLING SA (MEDICAL) PROFITEERING (Huling Bahagi)

DOKLING SA (MEDICAL) PROFITEERING

(Huling Bahagi)

Ang secret sa $300M fortune ni Dr. Reddy, ayon kay Barang: "For one thing, he rejects the standard hospital practice of making contracts with insurance companies, because he feels that these contracts unduly limit his reimbursements".

Bukod dito, "he's suspended much-needed services such as chemotherapy, a birthing center, and mental health care as insufficiently profitable".

Rason ni Reddy sa gayong "piratical practices"? Ani Barang, "He (Reddy) believes that patients may simply deserve only the amount of care they can afford".

Meron o walang Reddy sa RP? Hula: maraming Pinoy ang ready madokling (doktor na dinuling ng profiteering) anumang sandali.
tamali

Obra Muwestra - 115 KUWENTO

115 KUWENTO

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Tips sa mahusay na pagsulat ng kuwento ang hiningi minsan sa akin ng isang grupo ng mga bagito at ilang beterano sa larangang pampanitikan.

Sampay-bakod ang aking mga obra at pansariling opinyong panliteratura, sabi ko sa kanila. Inirekomenda kong bumaling sila sa 3rd edition ng The Story and Its Writer (1991) ni Ann Chambers, editor, sakaling di pa nila nabasa ito.

Napakaraming selections ng 1,607-pahinang libro: 115 stories ng 84 authors (kanluranin at di-kanluranin) na malamang pakinabangan ng mga kinauukulan.

Kinailangang magkaroon ng panibagong edisyon ang aklat, ani Chambers. Pinasibol ito ng pagnanais niyang makapagturo mula sa isang antolohiyang siksik sa mga pangungusap ng manunulat tungkol sa maikling kuwento, pagkaraan ng mga taon ng kawalang-kasiyahan sa paggamit ng textbook na siksik sa mga pangungusap ng editor.

Ang 3rd edition ay mistulang galerya ng 'sila ang sila' o 'sino ang sino' sa literaturang may pandaigdigang saklaw ang mga akda: klasikong salaysay, modernong obra maestra, seleksiyong contemporary.

May mga komentaryo sa sari-sarili nilang akda o akda ng iba ang mga awtor mismo, dili kaya'y mga kritikong pumulso sa selections.

Napatnubayan ako ng librong ito sa malalimang pag-unawa sa (pag)katha.

Naipahiwatig sa akin ng The Story... kung paano medyo hahangaan sa pagiging sampay-bakod ang isang manunulat.
obramuwestra

Wika Nga - BANTAY TALAKAY

BANTAY TALAKAY

Kolum ang 'Bantay Talakay' na inilaan noong 20 00-2001 ng isang broadsheet para sa reporters at correspondents nito.

Tungkol sa beat assignments ang mga paksang itinakda. Layunin: masanay ang mga tagapag-ulat sa pagbuo ng opinyon.

Naglaho ang broadsheet at kolum, pero hindi ang larong pang-media.

Silang mga alagad ng 4th estate na magbantay sa kapakanang pampubliko ang isang tungkulin ay patalakay kung sumalakay.

Lantad na lihim ito dahil talamak na sakit. 'Sikat' na halimbawa ang AC/DC ( attack and collect/defend and collect).

Patas lang naman daw. Pantay talakay ang pagbabantay, ibig sabihin, antay salakay na masobreng pamamahayag ang katumbas.

Napakayaman sa mga manipestasyon ng bantay salakay ang bansang nasa matuwid na daan daw sa kasalukuyan.

(Celine Labuyo)
wikanga

Tamali - ANG NANGYAYARI SA KAPANGYARIHAN

ANG NANGYAYARI SA KAPANGYARIHAN

Ayon kay Max Weber, "power is the probability that one actor within a social relationship will be in the position to carry out his own will despite resistance, regardless of the basis on which this probability rests."

Bantog na depenisyon itong madalas pagbatayan ng mas pinahaba at abstraktong mga diskusyon tungkol sa kapangyarihan.

Sa tingin ni Weber, ang kapangyarihan ay lumilitaw mula sa mga ugnayan ng "social actors in a mutually acknowledged competitive or cooperative context."

Ginagamit ang kapangyarihan para makuha ang mga praktikal na layunin sa pamamagitan ng mga mekanismo ng dominasyon at pagpapasunod.

Ang focus ay sa pagkakamit ng mga hangaring indibidwal imbes na kolektibo, dahil tinatanaw ang kapangyarihan bilang bunga at ekspresyonng mga ugnayan.

Sa perspektibang ito, hindi nasusuri ang napakatanda at napakahalagang problema sa teoryang panlipunan--ang ugnayan ng indibidwal na mga pagkilos at sama-samang mga layuning nilinaw.

(Hango sa librong Creativity of Power)
tamali

Bersong Barbero - MGA BULAKLAK NG DILA

MGA BULAKLAK NG DILA

Tayo na nagtanim nagbayo nagsaing,
nagtiis na tanging ipa ang kainin.

Kapag di binuhat ang sariling bangko,
malamang angkinin ng ibang uupo.

Ikaw na hinampas may buntot at sungay,
akong may buntot lang siyang nalatayan.

Laging pang-isahan ang tunay na lihim
pero pang marami kapag halatain.

Ang sobra sa pili natapat sa bungi,
ang kulang sa pili napunta sa sungki.

Pag palaging sala sa init at lamig,
matitiyak itong maraming kagalit.

Mistulang bato man ang puso sa tigas,
baka maging mamon sa luhang papatak.

Siya na ang hingi'y biyaya ng Diyos,
wala katiting mang gawang kusang-loob.
bersongbarbero

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next