balagtas.org

balagtas.org

Tularaw - MAGASTOS NA IROG

MAGASTOS NA IROG

Natatandaan ba n'yo kung kailan naging bukambibig ang bilmoko?

Pinaikling ibili mo ako, patutsada ito sa mga sobrang kapritsosa at kapritsoso na palabigasan at gatasan ang sinta-sinta nila.

Sa piyesang narito, nakahirit ng pasubali sa kasabihang "love is blind" ang personang abandonado ng sinta. Pamagat: "Mahal Kang Mahalin."

Mahal kang mahalin? Naiingit sila.
Sa piling ko milyong ulit kang gumanda,
bumata, sumigla at walang ginasta.
Nagmahal ka para makamalikmata.

Ibinibigay ko ang lahat. Gayunman,
tumanggi-tanggi ka sa milyong paraan;
iyo na ang aking pusong nagmamahal,
kakunin pa rin ba ang buong katawan?

Ikaw ang nagturo na dapat magtipid
nang maupos akong may milyon ding sakit;
iniwan mo akong sinanay magtiis
sa tubig at asin at sa kaning lamig.

Mahal kang mahalin? Ako'y nauulol
tuwing maiisip na tumpak ang tanong.
tularaw

Bersong Barbero - NANG AKO'Y PATULAIN SA CLASS REUNION NAMIN

NANG AKO'Y PATULAIN SA CLASS REUNION NAMIN

Salinlahi natin ang narito ngayon
para i-celebrate ang isang okasyon:
mga estudyanteng pawang bata noon
may sari-sariling hilig o ambisyon.

Hindi kailangang sumahin nang ganap
batay sa taon lang ang pagkakaedad;
kung mamamanata na magmurang-kamyas,
pihong makukubli ang lukot ng balat.

Iyon ang kahapong mainam lingunin
kahit na ano pa ang ating narating:
pagtuklas ng dunong na maihahambing
sa ibang bagay pang dapat ding tuklasin.

Nagsunog ng kilay ang bawat narito,
kumarera ayon sa kaya at gusto;
ang lapad ng papel sa pribadong mundo
ay posibleng lampas sa lapad ng noo.

Masarap ituring itong pagtatagpo
na pagbuhat natin ng sariling bangko;
nakatiyak tayo kung kelan ang upo
lalo kung nakita na may naitayo.

Salinlahi tayong magsalin din naman
ng dunong at danas ang ginagampanan;
ang haba o ikli ng ating nalakbay,
kung angkop at tiyak na pinagsumundan.
bersongbarbero

Obra Muwestra - 63 NA ANG PALANCA

63 NA ANG PALANCA

Ngayong Sept. ay 63 taon na ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, itinuturing na "benchmark of literary excellence" sa bansa.

Noong 2000 naitala sa memorial book (1951-2000) ng Palanca Foundation ang nanalong writers 1,447 mga akda nila sa iba't ibang categories: isang record ng pagkalikha ng "treasury of the hopes, the wisdom and the identity of the Filipino."

Sa pakahulugang iyan humuhugot ng dagdag na sigla ang maraming writers natin para sumali sa Palanca.

Trinity siyempre ng (alinmang) timpalak ang sponsor, entry/contestant, at hurado. Pamantayan sa paghatol ang pana-panahong kinukuwestiyon.

Tugon dito? Mismong 6 na dekada ng CPMAL.

Matatag ito sa pagsusulong ng "mission of providing nourishment for the national spirit."
obramuwestra

Obra Muwestra - TRABAHONG TAMAD

TRABAHONG TAMAD

Isang kamakata minsan ang tumitig
sa katipunan kong Hagkis ng Talahib,
bukod daw sa latay ng damo sa isip
ay may nakakintal na hagkis ng tubig.

Halimbawa ito ng pagsisiyasat
ng iba sa iyong niromansang danas;
nahimasmasan ka, natuwang nagulat
dahil ang sarili'y higit mong nasipat.

May oras talagang di namamalayang
ganap ng makata ang sariling malay:
haraya't gunitang sabik sa sintaha'y
minarapat niyang huwag mabulahaw.

Isang nobelista tuloy ang naghaka
na trabahong tamad ang pagmamakata:
iiwan ang prase't ang putol na diwa
ay pababayaang magkusang humaba.
obramuwestra

Bersong Barbero - KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER

KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER

Anim na distrito ang iniikutan
ng isang ginoong Amante ang ngalan;
nagrarasyon siya, ayon sa usapan,
ng pitumpung lingap sa pitong maybahay.

Kahit layo-layo ang mga distrito,
araw-araw siyang paroon-parito;
ang bawat paggrahe nakakalendaryo
pati paghagibis patungong trabaho.

Bobo kung ituring sa Amante noon:
naghaiskul tumigil nagpakabulakbol,
isa't kalahating buwang nagjanitor
saka biglang-bigla, tumabo ng milyon.

Sampung sunod-sunod umanong bin'wenas
sa sabong at naku, lalo pang pinalad
sa 'weteng at ibang pagbolang may jackpot--
hayun nagkamansion, sa numero buhat.

Kasal si Amante at sa kanyang ginang
ay may walong anak na laki sa aral;
dalawampung supling ng kasal-kasalan
ang paproxy niyang inaalagaan.

Halos sabay-sabay kung magdalantao
ang ginang at anim sa ibang distrito,
may tigdadalawang sasakyang magarbo
at nagtatabaan ang account sa banko.

Ilang mainggitin ang nakapagdili:
hindi sa sugal lang hiyang si Amante;
nag-ulit ng tudyo ng isang alkalde
tungkol sa ulupong na dating bulati.

Sa performance niya, isang obligasyong
sumaludo lagi kay ganito't gayong
kumare't kumpareng mas nasa posisyon
para makatiyak siya ng proteks'yon.

Dahil may negosyong litaw at maunlad
at baryang regular ukol sa karidad,
umabot sa anim na libo ang k'wintas
ng papuring suot niya sa paggayak.

"Dodoblehin ko na ang bilang ng district
ngayong kayang-kaya ng puson at wallet,"
sabi sa sarili matapos magbihis
ng napakapalad na Amante Saez.
bersongbarbero

Tamali - SANTONG DASALAN, ESTILONG PINOY

SANTONG DASALAN, ESTILONG PINOY

Pinaksa minsan sa isang world meeting sa PICC ang pamilyang Kristiyano bilang "simbahang domestiko."

Tinalakay roon ang role ng pamilya sa buklurang magtatakda ng tunguhing pandaigdig.

Ugnayang Diyos at tao ang tinalakay rin ng isang manunuri. Aniya, larawan ng poverty ang Pinoy piety: lambong ng ating pambansang kaluluwa.

Namamanata lang tayo pag hihingi ng pabor, halimbawa, panalo sa lotto.

Magkapareho ang tabas at tela ng buhay politikal at buhay relihiyoso ng Pinoy. Tingin niya sa gobyerno: malayo pero mapag-arugang bathala, mudmod ay pabor imbes na kapangyarihan.

Sinasabing nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang biyaya. Para sa Pinoy, nasa Diyos pati gawa.

Sa pagiging pabaya ng Pinoy, pantakip niya ang dobleng "pabuya" ng Bathala.
tamali

Wika Nga - MAHIGIT 10 KAHULUGAN NG 1 SALITA

MAHIGIT 10 KAHULUGAN NG 1 SALITA

"Hulog" ang isang salitang Filipino na maraming sinasabi. Mga katumbas nito?

Bagsak/lagpak at bulid; halimbawa, prutas na bumagsak sa bubong/kotseng nabulid sa bangin.

Salin (translation). Pagpapadala ng liham sa koreo. Deposito sa bangko (bank).

Paggawa ng dagdag na parte ng bahay gaya ng sibi; pagtiyak sa vertical na ayos ng poste/dingding sa pamamagitan ng plumb line.

Takal kaugnay ng cake making. Pagpayat: nahuhulog ang katawan. Amor o simpatiya: loob na nahuhulog.

Grasya ng Diyos o hulog ng langit. Labang ipinatalo.

Saklaw ng "hulog" ang pagwiwikang panlangit at panlupa.
wikanga

Tamali - SINGLE PARENT NGAYON

SINGLE PARENT NGAYON

Biyuda o biyudo siya kahit buhay ang sinta. Pinaghiwalay sila hindi ng kamatayan kundi ng umasim na palagayan.

Nagsama sila nang walang kasalan, at naglayo, bitbit ng gunita ang suyuan at umbagan.

Siyang namatayan ng pag-ibig ay nagkaroon ng buhay na pruweba (anak) ang ugnayan.

Sa kalasan, nakahuhulagpos she-ya sa patakarang patriyarkal; humuhubog ng kapalaran para sa sarili at sa anak.

Kabuhol ng live-in at single parent ang dalagang ina, binatang ama, kabit, putok sa buho, anak sa labas, bastard.

Ang single parent ay anak ng ugnayang wasak kung pinili niyang balewalain ang sakramento at batas. Suwail siya sa lipunang umano'y mapagkunwari.
tamali

Bersong Barbero - SALUDO SA TRAPO

Hiniling ng isang masisteng kostumer
na ang mga trapo'y pakunwang sambahin;
dahil mahilig din magsiste si Gusting,
heto'ng nirimahang resulta ng hiling:



SALUDO SA TRAPO

Okey sunduin and obispo:
hingalo kasi ang aking amo.

Ang kumpisal ay bawas-bagahe
ng budhing bugbog-sarado sa atake.
Mapilitan sanang magsisi.

Igawa natin siya ng monumento:
mayparu-paro't balimbing sa ulo
at bakod na salaming lagpas-tao.

Amuyong niya akong laging tatanghod
kahit lasing, tag-araw man o tag-unos.
bersongbarbero

Obra Muwestra - DOBLE TRES, DOBLE UNO

Nakatipon sa DOBLE TRES, DOBLE UNO ni LAMBERTO E. ANTONIO ang mga piling sanaysay na nagpapalawak sa kahulugan ng ganitong komposisyong panliteratura. Pinapaksa ng libro ang mga usaping panlipunan at pangkulturang kinakaharap ng sambahayan at sambayanan sa kasalukuyang siglo. Muling makikita sa katipunang ito ang husay at lalim ni L. E. Antonio bilang manunulat.
obramuwestra

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next