balagtas.org

balagtas.org

Tamali - MAGULANG DIN

MAGULANG DIN

(Pasintabi kay Aesop)

Apat na magkakapatid ang ulila sa mga magulang (halos sabay namatay ang ama at ina nila).

Nakapag-iwan man ng napakalaking ari-arian ang mga yumao, walang kasulatan tungkol sa hatian.

Hating-kapatid tayo, ha? anang panganay. Hinati-hati niya, patas sa laki at halaga.

Tatlong bahagi ang kinuha niya, ikinatwirang bilang pinakamatanda, dapat pumapel na ama na ay ina pa.
tamali

Wika Nga - MAWALANG-GALANG NA PO

MAWALANG-GALANG NA PO

Idyomatikong ekspresyon ito ng respeto, na magagamit sa malikhaing paraan upang ipagpauna ang mapanuring diskurso.

Angkop na halimbawang paberso naman ang "Bato-bato sa langit, ang tamaa'y huwag magagalit."

Ginamit iyan ng isang writer bilang sanggunian, pabaligtad ang epekto, na sinadya.

Ibinulgar niya, patudyo, ang negasyon ng pang-aalipin at pagpapaalipin, sa ganito niyang teksto:

"Hay, bato-bato sa langit,
ang tinamaa'y nagalit:
inayawan na ng kabig
ang mala-tukong pagkapit."

Wala nga pong galang ang writer sa sistemang panlipunang nailarawan ng nilarong mga salita at ekspresyon.
wikanga

Bersong Barbero - MAY BUWANG DIYOSA AT MAY FEMINISTA

MAY BUWANG DIYOSA AT MAY FEMINISTA

Pinaksa ng librong aking natunghayan
ang babae bilang 'lalaking pandangal';
mythology, tula, gender (kasarian)
ang magkakasamang sinuring pahimay.

Diyosa ang buwan, ayon po sa libro,
na tatlo ang anyo, ang kulay ay tatlo:
birhen, inang buntis saka bruha ito;
itim, pula, puti'y dagdag na simbolo.

Mito nga, sabihin na nating alamat
ang pinakasuri ng awtor ng aklat;
sa imagination ng female ay lakas,
aniya, ang dulot ng gayong kalatas.

Mahabang panahong ang kababaiha'y
minamaliit daw ng sandaigdigan,
binabalewala sa mga larangang
ang nawawayani ay kalalakihan.

Sa literatura, naihalimbawa
ang paghatol: walang babaing makata,
may tula ang dilag subalit mistula
itong panlalaking palagi ang diwa.

Naging problema po ng barbero ninyo
ang lawak at lalim ng paksa ng libro;
maraming bahaging ang meaning ay ano?
Salimuot kasi'y nakatutuliro.

Gayunman, may bagay siyang tinitiyak,
kahit problemado sa hiram na aklat:
Noon, may diyosang bida sa alamat.
Ngayon, may feminist, iya'y realidad.
bersongbarbero

Obra Muwestra - LINGAP SA LUMIPAS

LINGAP SA LUMIPAS

(Mula sa Siyam Nawa at 99 pang Tula ni Lamberto E. Antonio)

Pinapagod ka ng aking alaala,
namamagitan ang pitagan.

Ipinagtitimpla mo ako ng kape,
pagkapansing minsan pa,
mangangahas akong maglayag
pabalik sa mundong kayang-kaya
kong paikutin sa sariling palad
at sa balikat ng mga kapanahong
hinukos ng edad.

Idinidikta ng pag-iisa
ang magpakaumid, maghinay-hinay
sa paghigop, namnamin
ang kilapsaw sa balintataw.

Pinagpipitaganan ko ang iyong pahiwatig:
na tanging sa isip lamang laging sariwa ang lumipas.

Sa pagkupas ng magdamag,
panatag akong naiidlip sa pag-uumaga,
umaasang mas maaliwalas ang maghapon
at nanumbalik ang sigasig mong magtanong.

Magpapakapagod ako
sa pagpapalutang ng pira-pirasong alaala,
at sasagipin, sisinupin mo ito.
obramuwestra

Obra Muwestra - DALAWANG TULANG WALANG PAMAGAT

DALAWANG TULANG WALANG PAMAGAT

1. Ginising siya ng biglang pagbuhos,
biglang pagtila ng ulan.
At naisip niya ang mahahabang tag-araw nilang mag-asawa;
ang mga pangarap,
na kalahati ang nasa ibayong-dagat.
Nang buksan niya ang bintana,
iwinisik ng hangin ang kanyang luha.

2. Pakimkim ng palangiting mutya
ang katahimikang
kasintigas ng bato.
Dinibdib ko,
pinasabog ito
ng bumigwas na gunita ng pagluhang
kasimpait ng apdo.

--BONI BALTAZAR
obramuwestra

Wika Nga - PILOLOHIYA AT LITERATURA

PILOLOHIYA AT LITERATURA

Philology (pilolohiya o palawikaan): pag-aaral ito ng mga pormang historikal ng isang wika o mg wika, kabilang ang mga pormang non-standard at dialectal, gayundin ang mga kaugnay na wika.

Gayunman, di dapat makulong sa pag-aaral pangwika lamang ang philology. May mga tekstong nasa matatandang porma ng wika na kadalasang nagtataglay ng kapangyarihan at tiyak na katangian.

Ang alinmang pag-aaral na bumabalewala sa mga iyan, o tumatangging magsikap para umunawa riyan, ay di-kompleto at maralita.

Samantala, ang alinmang pag-aaral na linguistic lamang ang tuon ay nagtatapon ng pinakagmahusay na materyal at pinakamahusay na argumento para sa eksistensiya nito.

Sa larangang iyan ng palawikaan, di mapaghihiwalay ang literary at linguistic.

(Halaw kay Tom Shippey, "J.R.R. Tolkien: Author of the Century")
wikanga

Saganang Akin - MAGAAN KONG BANGKO

MAGAAN KONG BANGKO

Patutunayan ko na kasinggaan ako ng ibang mapanudyo.
Basta manatili silang nakaupo sa aking bangko.
Bubuhatin ko, lampas sa ulo ang taas.
Saka ibabalibag ko ito.
saganangakin

Bersong Barbero - KUWENTONG HUWETENG (O KAYA'Y STL)

KUWENTONG HUWETENG (O KAYA'Y STL)

Laro sa numero ang minsang tinumbok
ng isip ni Marting mabiro malikot;
pakwento ang kanyang taktikang ang buod
ay sugal na hilig ng mga kapurok.

Ang unang kubrador na natanaw niya
ay tinawag, ito nama'y nag-apura
sa paglapit. "Martin, tataya ka baga?"
sabik na usisa halatang masigla.

Sumagot si Martin: "Ako'y nanaginip,
sa diwa ko' y buong-buong nakaukit.
Dahil kubrador ka, dapat mong masisid
ang sakdal-lalim mang mga pahiwatig."

Ayon sa kubrador, "O sige nga, Martin,
ang panaginip mo ay ating himayin.
Wala pang tumaya kahit singkong duling,
kaya buena mano kitang tutuusin."

"Ang panaginip ko'y kagila-gilalas,"
simula ni Martin halos walang kurap.
"Isang pusang itim ang aking nasabat
sa tinatahak kong madilim na landas."

"Aba, may popular na paniniwala,
nueve ang numerong sagisag ng pusa,"
sabi ng kubrador at dagdag na wika,
"siyam daw ang buhay ng ganyang alaga."

Isinalaysay pa ni Martin ay ito:
Sa dulo ng landas ay may isang punso
at naghuhunihang ibong batubato,
saka umiikot na yoyoat trumpo.

Sumulpot sa punso ang mga pulubi
na bulag at lumpo at bingi at pipi,
sumapaw sa tagpo ang isang babae
na mala-diyosa ang kariktang iwi.

Arok-analisa naman ang kubrador
sa pinakikinggan niyang tila bugtong.
Sabi pa ni Martin, "Biglang dumagundong
ang kulog na waring pumutok na kanyon."

Dumating daw siya sa tuktok ng bundok
na sadyang kaytaas at doon sa tuktok,
isang ermitanyo naman ang sumulpot
na magkasinghaba ang balbas at tungkod.

"Ang tuktok ng bundok, mataas na bilang,"
sabi ng kubrador, "pati ang sumilay
doong ermitanyong may ulilang buhay:
thirty-nine marapat sila sa listahan."

Ang sabi ni Martin, sa dulo ng k'wento,
"Mahigpit ang bilin niyong ermitanyo:
huwag kong dedmahin yaong kanyang payo
upang ang buhay ko'y hindi maper'wisyo."

Tanong ng kubrador, "Ano ba ang bilin?
Sabihin mo para muli kong sisirin."
Sa anyong malungkot, Martin ay nagturing:
"Umiwas daw akong tumaya sa 'weteng."
bersongbarbero

Tularaw - SA ISIP NG MIRON

SA ISIP NG MIRON

Ang maganda ngayon,
ayaw nang pabugahan ng tubig
ang demonstrasyong
nagbubuga ng talumpating maapoy.

Naiisip ito ng miron
na tumilapon,
gininaw at sinumpong
ng hika,
sa sinalihan niyang
demong kinanyon
ng mga bombero noon.

Higit na maganda, o pinakamaganda
kung magagaya
sa akin ang nangarito sa kilos protesta.
Naisipdin ito ng beterano
ng larong sala sa lamig, sala sa init.

(Celine Labuyo)
tularaw

Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Una sa 3 Bahagi)

'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON

ni LAMBERTO E. ANTONIO

(Una sa 3 Bahagi)

Tinutukoy ng 'ngayon' sa titulo ng katipunang ito ng halos 50 kolum ni Bienvenido A. Ramos ang panahong umiiral sa bansa ang martial law. Dalawang ulit (1979 at 1981) nanalo ng Grand Opinion Award sa Catholic Mass Media Awards ang pitak ni Ramos sa magasing Liwayway na inedit niya noon.

Ipinagugunita ng serye ng 'parang editoryal o opinyong' ito ang 'literatura ng kumprontasyon' at 'literatura ng sirkumbensiyon' na kinailangang pagpilian ng mga manunulat sa naturang yugto ng pagbabawal ng rehimeng Marcos ang pagsulat tungkol sa dahas at sex at lalo na, ang pagpuna sa gobyerno.

Na matagumpay namang nagampanan ni Ramos ang tungkulin niya bilang editor nang di siya lumitaw na subersibo sa tingin ng rehimen ay isang indikasyon ng pagpapairal ng sariling pakahulugan sa dalawang paraang iyon ng pag-akda.

Sa mga piyesa ng katipunan, pinagsugpong ni Ramos ang kumprontasyon at sirkumbensiyon sa talakay ng mga isyu.

May tuon sa kostumbre ng mamamayan at pailalim na hagupit sa sistema ng pamamahalana ang paninikil ay ikinukubli ng mga slogan gaya ng 'Bagong Lipunan', 'demokratikong rebolusyon' at 'Bagong Republika.'

(Itutuloy)
obramuwestra

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next