balagtas.org

balagtas.org

Portada - TATLONG DEKADA NG (BALIK) DEMOKRASYA

TATLONG DEKADA NG (BALIK) DEMOKRASYA

Kung ibibilang ang taon 1983 nang patayin sa dating MIA ang isang magiting na balikbayan, tatlong dekadang mahigit ngayon ang balik-demokrasyang naitala ng people power (tatlong taon makaraan ang asasinasyong iyon).

Tila nakabuhol ang kahulugan ng pangyayari sa basta pagbagsak ng diktador na inihudyat ng pagbagsak ng balikbayan sa tarmac. Kalas-kalas naman ang progressive sectors na pinalilitaw na buo bilang 'lipunang sibil' gayong etsapwera sa espasyong demokratiko.

Pinansin ito ng kabayan nating writer Jorge Arago na nagsabi: "As in previous turnover of power in our society, that space has been hogged by the elite and its own running dogs, to the exclusion of particular groups: the teacher-student, the art-media and the scientific communities."

Makabuluhan para sa sambayanan ang panawagan niya: "Now is the time for artists and scientists and academe to come together ang create a concrete democratic and unifying basis for mutuality in our society."

Ang buklurang ito, aniya, ang papat nubay sa kaunlaran "that is in step with the development of the rest of the global community, while using distinct Filipino methods, skills and talents we have painstakingly evolved through all the regimes under which we have worked."
portada

Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Ika-2 Bahagi)

'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON

ni LAMBERTO E. ANTONIO

(Ika-2 Bahagi)

Nailakip ni B. A. Ramos sa kanyang karera bilang makata-mangangatha ang kritika ng mga halagahang bumabaluktot sa asal ng indibidwal at bumubulok sa institusyon.

Naibuklod sa mga isyung pambarangay at pambansa ang mga pangyayaring pandaigdig, isang negasyon ng lakas at talinong nalulustay.

Naglalahad siya ng mga kabatirang piniga mula sa mga tunggalian; mahahalata ang rubdob sa pagpapanukalang bukod sa pagsalungat sa tiwaling gawain, imperatibo para sa indibidwal at institusyon ang "pagsasaliksik-kaluluwa."

Ang ganitong postura at praktika ni Ramos, sa pagsulat ng opinyon, ay positibong halimbawa ng populistang pag(papa)dulog.

(Tatapusin)
obramuwestra

Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Ika-3 at Huling Bahagi)

'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON

ni LAMBERTO E. ANTONIO

(Ika-3 at Huling Bahagi)

Gumagamit si Ramos ng mga salita at praseng "malapit sa bituka ng masa." May metaporikong takbo ng diskursong nakabatay sa karanasan na (inaakalang) pamilyar sa mayorya ng readers.

Matagal nang pinabagsak ng people power ang rehimeng Marcos at nasundan ito ng isa o dalawa pang gayong pagkilos na "extra-constitutional." Pero ayon sa malalim na pahiwatig ng awtor, tila hindi natuto ang mga mamamayan sa mga aral ng kasaysayan.

At tila kailangan ding manatiling 'ngayon' (kasalukuyang panahon) ang 'noon' para muling tangkaing maibalik ang (marangal na) ideal--o yaong mithing hindi nakakanal sa materyosong konsiderasyon.

Sa isang seleksiyon, ganito ang pagwiwika ni Ramos: "Bumabagtas ang bansa sa nag-aalimpuyong unos, unos na siyang lohikal na bunga ng ating inihasik na hangin sa nagdaang mga panahon ng ating pagpapabaya, pagpapaubaya, kahangalan at pagwawalambahala."
obramuwestra

Tularaw - KABA SA KABANALAN

KABA SA KABANALAN

Sa bayan kong Kabanalan,
santa at santo
ang bawat lansangan.

Sapagkat nabubuhay
sa pagkadiyablo
ang mga kababayan,
ito rin umano
ang ikamamatay ko.

(Leo Ablaza)
tularaw

Saganang Akin - 'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK (Halaw kay Tom Shippey)

'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK

(Halaw kay Tom Shippey)

Pagkawasak ng mga bathalang lumaban sa mga kampon ng demonyo ang 'Ragnarok' ng mitong Norse.

Kung talo (sa bersiyong ito ng Armageddon) ang mga diyos at mga taong alyado nila, bakit papanigan natin sila? Bakit hindi tayo gumaya sa masasama o maging tagasamba ng demonyo?

'Potent but terrible' ang turing sa kasagutang tunay na magiting. Makontrol man ng tiwaling mga puwersa ang uniberso at tila di na ito mababawi o matutubos, hindi iyon sapat upang bumaligtad o lumipat ng panig ang bayani.

Sa tradisyonal na punto de bistang Kristiyano, may pabuyang langit at salbasyon ang nagmamagiting laban sa kasamaan.

Pero sa Ragnarok, ang tanging pabuya ay 'somber satisfaction' sa ginawang kabutihan. Dito, kung gayon, maingat na inaalis ang 'easy hope' upang ang kinauukulan ay maging makamalayan sa mahabang pagkalupig at kapahamakan.

Isa itong teorya ng kagitingan o katapangang nilimot ng modernong panahong 'nakikibayani' laban sa mismong (tunay na) bayani.
saganangakin

Wika Nga - MGA LETRANG MAHILIG SA PROXY

MGA LETRANG MAHILIG SA PROXY

Tatlong letra sa palabaybayang (spelling) Filipino ang madalas magproxy sa isa't isa.

Kung alin sa 3 ang piliin para ipambuo ng partikular na salitang Pinoy ay ayos lang.

Nagkakabigayan ng puwang (space) habang namamalaging buo ang salita pati kaukulang kahulugan niyan.

Mga halimbawa: "dumudugo" at "dumurugo"; "kalsada" at "karsada"; "madumi" at "marumi".

Nagwawakas, siyempre, ang sistemang proxy kapag isang letra ang umeeksena kahit wala sa lugar (o "lugal"). Nag-iiba kasi ang salita at kahulugan nito.

Malaking siste ang "dula" (drama/play) na ginawang "dura" o "lura" (spittle).
wikanga

Tamali - KUNG SUSULAT NG ALAALA

KUNG SUSULAT NG ALAALA

Tatabunan at hindi lilingunin ng panahong lilipas ang bakas ng tao at pangyayari at ang paligid.

Huwag balewalain ang pansing may puwang ang tadhana para sa paglimot.

Isang libro tungkol sa buhay ng isang babaing sumilang at nagkaisip sa dating USSR na nagdesisyong tumira sa US ang pinuri ng critics.

Mahusay ang pagkabuo ng awtor (babaing ito mismo) sa mga sariling gunita. Pulido ang paggamit niya ng English kahit di ito ang wika sa pamayanang kinagisnan niya.

Bago nailibro ang memoir, tinanggihan itong ilathala ng isang publisher. Pinintasan: mali ang diskarte, walang kabuhay-buhay ang pagbabalik-diwa. Nalimbag lang matapos muling sulatin ng awtor.

Sinabi niya sa media na isang guro ang pumatnubay sa pagpapahusay ng obra: dapat malalimang hukayin ng manunulat ang panahong nakalipas, hanguin ang makahulugang pangyayari sa buhay.
tamali

Bersong Barbero - LALAKING HINIBANG NG RETRATO, NAGTAPAT PO SA INYONG BARBERO

LALAKING HINIBANG NG RETRATO, NAGTAPAT PO SA INYONG BARBERO

Tumatagas na kisame'y pahiwatig
ng malaong pagkasara ng aklatan;
mga libro atmagasing nagkadungis,
iwinalay ko sa kwartong nagkadanaw.

Nang linising isa-isa at buklatin
ay tumambad ang marilag na retrato
ng kahapong nakaipit sa magasin
(napulot ko noong ako'y binatilyo).

Malinaw pa hanggang ngayon ang larawang
pinadapo ng amihan, isang hapon,
sa gilid ng maalabok na lansangan:
naghintay sa anino kong lumalaboy?

Bakit kaya binayaang mapawaglit?
Pinunasan ko ng panyo, pagkauwi,
ang kariktang dinampian din ng halik
sa labi at pati matang nakangiti.

Nagkapitak sa pitaka, dinala ko
sa paglakad kahit saan ang babae.
Sino'ng nobyo? O misis na? Kahit ano
ang estado'y iyon na nga, hindi bale.

Naging ganap na binata't nagkanobya
sa paraang di sinadya, nag-apuhap
pa ng iba akong sobrang nagpipita:
kasingganda ng retrato bilang kabyak.

Bigo ako, pero hindi sa pagsambot
ng trabaho at pabirong pangingibig;
nakasal man sa mayumi't maalindog,
bote't libro ang higit kong kinatalik.

Lasing akong naglagalag at nasadlak
sa kandungan ng kung sinong namulatan:
santag-araw kinasuyo at kumalas
nang madamang lumalamig angsuyuan.

Pag-uwi ko, ang dinatna'y inuunos
na tahanang walang kabyak na mayumi;
meron lamang isang kabyak na malikot:
kasiklutan ng lukot na pagwawari.

Ako kaya o ginang ko ang nagkanlong
ng babae sa magasin?
Sa amiga o magulang kaya niya isinumbong
ang may-gawa ng mahaba niyang dusa?

Paghalakhak ngayo'y di ko napigilang
ipanlait sa haba ng pangyayari.
At basta ba sa marilag na larawan
buong-buong ibubunton ko ang sisi?
bersongbarbero

Tamali - KOTONGKULAN: BALIK-TANAW SA KINAUUKULAN

KOTONGKULAN: BALIK-TANAW SA KINAUUKULAN

Halos kamakailang (2008) maituturing, mas pangahas at marahas ang mga kotongero. Mga pasimple-simpleng bully, umasenso, nagpakaterorista.

Ang barya-barya ay humantong sa buo-buo. Mas mainam sipating pananalbos muna bago paglagas ng buhay at pagwasak ng ari-arian.

Naging pamilyar ang pambobomba, mas sumalimuot ang buhol ng mga teoretikong konsiderasyon, gaya ng politikal na pakana.

Malaking bahagi ng bansa ang niyayanig ng atakeng terorista, pakikibakang rebolusyonaryo at pag-iimbot ng mga elementong anti-sosyal, ayon sa kanluraning media.

Pakahulugan dito ng mga puwersa ng seguridad: kilabot na kotongero ang New People's Army na nagpapataw ng revolutionary tax.

Kung tama iyan, aba e mataas-taas na antas kesa tampalasan ding diskarte ng kotong cops.

(Artikulo itong kabilang sa ABISO: ISTORYA AT ENSAYO ni Celine Labuyo)
tamali

Tularaw - ISANG BERSONG NILINGON PAGKARAAN NG 35 TAON

ISANG BERSONG NILINGON PAGKARAAN NG 35 TAON

"Babae sa Ibabaw ng Tarundon" ang isa sa aking mga tula ng paghanga at pagnanasa, na garapal ang pagkasulat ng 1st draft.

Itinabi ko ito, ipinaghintay ng rebisyon, nalimutan, nahalungkat sa file matapos ang 35 taon.

Once and for all, sabi ko sa sarili, dapat tutukan, palitawing iba ang lascivious sa erotic.

Sumailalim sa transpormasyon ang piyesa; pamagat lang ang di nagalaw. Eto ang kabuuan, na pinagdudahan ko noon kung tula nga:

Lumangoy sa aking imahinasyon
ang babaeng hinabol ko ng tingin:
malaking bulas, nakabakat
sa kamisatsinong suot
ang kambal na alindog.

Mulang sapang nilusong
hanggang pagkabila sa tarundon,
ginambala ako ng pusag
sa ilalim ng aking puson.

Sininghalan ko, saka pinakinggan
sa buslo ang nadakma,
pumapalag na mga isda.

Sakaling muling dumaan
ang di-kilalang dilag,
aalayan ko ng santimbang dalag.

(LEAntonio)
tularaw

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next