balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - GANITO KALAPAD ANG PAPEL NG ERMAT

GANITO KALAPAD ANG PAPEL NG ERMAT

Tingnan natin siyang pinagbubuhatan
ng itinatanging liwanag ng buhay:
ina siyang laging inilalarawang
may kaibang sinding ilaw ng tahanan.
Sa buhay-pamilya napakahalaga
ang tanglaw na mula sa ulirang ina;
anumang sandaling kailangan siya,
hindi magkakait sa anak na sinta.
Wala nang hihigit sa pamamatnubay
ng ina, sapagkat sa kanyang kandungan,
dibdib, labi't bisig unang namalayan
ng sanggol ang tunog at anyo at kulay.
Paano na kaya ang ating daigdig
kung wala ang isang ilaw na marikit?
Ang gabi't araw man ay mamumusikit
sa dilim at lungkot, hirap at hinagpis.
Pagmasdan ang ina at ang mamamasdan
ay mga dekada ng kanyang tag-araw;
gumaganap siyang walang pagkapagal
bilang tanglaw natin hanggang magtag-ulan.
bersongbarbero

Obra Muwestra - ANG MAKATA SA DAIGDIG NG PERYODISMO

ANG MAKATA SA DAIGDIG NG PERYODISMO

Mabuting maging buwena manong karanasan ng makata ang pagsuong at pagsalat sa pook at pangyayaring "balitang-balita", na plano niyang gamiting materyal ng tula.

Mabuti, sapagkat titiyakin niyon ang pakikipagkilala niya sa kaligiran; higit na titingkad ang konteksto ng talinghaga.

Kung peryodista siyang nakatalaga sa desk kinailangang iba ang mainitan sa "usaping nagliliyab", titimbangin niya marahil ang halimbawang isang kamakatang "diyarista" rin.

Itinanim nito sa sariling isip ang matulaing abiso ni Francisco 'Balagtas' Baltazar: "ang balita'y bihirang magtapat, magkatotoo man marami nang dagdag".

Panahong 'kopong-kopong' nang sulatin ni Balagtas ang Florante at Laura na pinaghanguan ng abiso, pero mailalarga papunta sa konteksto ng tulang pangkasalukuyan.

Tulad ng alinmang larangan, may katangiang panlipunan ang peryodismo; ito pa nga ang dapat manguna sa pagsusulong ng diyalektika ng komunilasyon.

Nasa ubod ng pag-iral ng lahat ng gawain at palagay ang pangangailangangsikapin ang paglalantad ng buong katotohanan.

"Nakatali" sa desk, kumalap ang naturang kamakata ng dagdag na impormasyon, nagsuri, nagpakahulugan at pinanday sa sariling imahinasyon ang materyal.

Ang talinghaga sa pagiging peryodista ay nalilikha sa pagkabila ng makata sa balitang nasa anyo ng ulat.

Kung sadyang tama na pangingibabaw ng katotohanan ang naghuhudyat ng paglaya ng tao at lipunan, tama ring namamanginoon ang katotohanang iyan.

Dahil may mga bulaan at hangal: pinupulot nila ang mga tapyas at piraso ng pabago-bagong realidad, at itinatabon sa mga indibidwal at institusyong tumataliba sa katinuan at karangalan.

"Dagdag na balita" ang tula bilang tagapagbunsod ng buong katotohanan.

(Celing Labuyo)
obramuwestra

Wika Nga - PULSO NG SALITA

PULSO NG SALITA

Pintig ng kahulugan ng salita ang pantig (syllable). Nakabatay sa nabuong salita ang pulso ng ekspresyon, ng pahayag, na anumangkomunikasyong pangwika.

Pantig, kung gayon, ang nagsisilang ng salitang pinakinggan, binasa, at pinagmoldehan ng pagyaman at pagbabago ng wika.

Karanasan ang batayan naman ng tao sa paglikha o pag-imbento niya ng salita.

Anyo at tunog at kulay at numero ang patuloy na umaayuda sa pintig ng kahulugan.

At sa kombinasyong iyan madalas din na pantig na ikinakabit sa unahan, gitna at hulihan o dulo ng salitang-ugat (rootword) nailalarga ang higit pang kabatiran sa talastasan.
wikanga

Tularaw - ANG TUNAY NA PAGTANDA

ANG TUNAY NA PAGTANDA

Mga senyal ng kabuwayan (infirmity) ng katawan at isip ang mas batayan ng pagtanda. Ito ang mapanudyong pasubali ni Mark Twain sa old age na ibinabatay lang sa mga taon.

Binigyan niya ako ng idea para ilahad ang pananaw ko sa paglipas ng panahon.

Pakitingnan sa naritong sinulat kong tularaw kung may kaugnayan ito sa pasubaling Twain:

Ikaw, kahapon ko, ang napayayakap
bilang tagapawi ng pagkabagabag.
Mutya ka ngang tunay na walang katulad
kung dulutan ako ng sigla at alab.
Huwag ipangamba ang iyong pagkupas
kahit itangi ko ang ngayon at bukas.

(Leo Amorco)
tularaw

Obra Muwestra - 'THE SKELETON YOUR PAINS TURN INTO A MONSTER'

'THE SKELETON YOUR PAINS TURN INTO A MONSTER'

Ayon kay guro- kritikong Soledad S. Reyes, isang malinaw na halimbawa ng puwersa sa poetry ni LAMBERTO E. ANTONIO ang "Gabi ng Isang Piyon".

Sa tulang ito ni LEA, "itinapat ng persona ang kalagayan ng piyon sa pangkalahatang buhay ng karaniwang trabahador--ang mahabang oras ng pagbubuwis ng dugo, ang mga kasangkapan sa paggawa, ang kawalan ng pag-asa, ang sakit at dusa sa katawan at kaluluwa, ang kawalan ng katarungan".

Mula sa aklat ng tulang "HAGKIS NG TALAHIB" (LASH OF WILD GRASS) ni Antonio ang nasabing piyesa, na isinalin sa English ng National Artist na si Bienvenido Lumbera, at ilang ulit nakasama sa mga antolohiya.

Ipinamagat ni Lumbera ang "Night of A Construction Worker" sa selection na ganito ang teksto:

Unable to sleep.
Yes, hands have let go of shovel,
Hammer, pipe, wire and other tools,
But dismissal at five had failed to signal
Gravel, cement and filling earth
To let go of your breath.
When the lightbulb flickers out,
There's only the dark to ask to nurse the flaring up
And the throbbing of the littlest muscle, blister, bruise and cut
On arm and finger, and the stab at the heart and brain,
As you lie on cast-off plywood board, wood shaving
Or empty cement bags in the solitary corner
Of the building a sketch as yet on drafting paper.
Unable to sleep.
One whose fatigue has seeped to the very bones
Needs a visit from drowsiness, but before your gaze
Cement mixer keeps churning without tiring it seems--
More blood and sweat to mix with sand and cement,
Flesh you will slap
Onto ribs of iron: the skeleton your pains
Turn second by second into a monster,
In return for wage that barely staves off hunger,
For dreaming up more construction jobs to come,
For prayers made musty by sweat and magic spell.
Moments like these when neon lights shred the dark,
When labor contractor and greedy right-hand man have gone home,
Dark shapes crouch and stick accusing fingers in the mind:
Sunken cheeks of the sickly newborn
Or wife whose eyes blur
At the unappealing meal of congee and grains of salt...
And, too, cold night spread by the late hour
A prescribed balm on bare torso
That resists convincing it's turning into skin and bones.
How can you fall asleep
When each time you stretch out on your back it seems the stars
Are slowly swallowed up by the towering roof above?
Only the dark in the corner to ply with queries:
Why gravel, filling earth and sand
Refuse to let go, weighing on your breath--
Each time the thought looms in your mind you're part
Of the scaffolding you yourself one of these days, will take apart.
obramuwestra

Saganang Akin - PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR (Una sa Tatlong Bahagi)

PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR
(Una sa Tatlong Bahagi)

ni L. E. ANTONIO

Hindi libro ang "Leaves of Grass"; tao ang masasalat ng sinumang sasalat sa kalipunang ito ng mga tula ni Walt Whitman. Malaki ang kaugnayan niyan sa selebrasyon niya ng "I" (hindi pronoun): "I celebrate myself and sing myself, and what I assume you shall assume".

Isa itong version ng salitang naging laman (flesh). May hamon ang assertion. Kapain ang insights na nakapalaman sa aklat, damahin at pakinggan ang wikang nakalimbag. Ipinasasalat din sa reader ang pabalat (cover) ng libro. At nagsilbing okasyon ito para maglarga ako ng pakahulugan.

Bilang translator (at makata, kuwentista, essayist at mandudula), makiling ako sa "pabalat", igiit mang makaluma, sinauna at laos ang salitang iyan. Higit sa udyok na paglaruan ang diwa, nagbibigay ng puwang ang salin para sa malikhaing pasok (approach).

Maikokonek ang "pabalat" sa pabalat-bunga (pakunwari), makokonsulta ang paghusgang "makintab sa labas, maburak (o maputik) sa loob". Pag di matapat ang pabalat ng aklat sa contents o sa layunin nito, ay mapagpanggap o "plastik" ang materyal (libro mismo).

Maiisip na mistulang isdang kapak ang author ng gayong aklat.

(Itutuloy)
saganangakin

Portada - MALAYO SA BITUKA

MALAYO SA BITUKA

"Second highest in Asia next to China's" ang 7% GDP growth ng ating Republika at umabot sa 27.5% sa last quarter ng 2013 ang "joblessness" dito rin sa RP.

Bahagi iyan ng pinakahuling statistics na gaya ng dating madalas mangyari ay malayo sa bituka ng malaking mayorya ng populasyong Pinoy.

"Jobless growth" ang dapat asahan pag talamak ang corruption, pag bigo ang (mga) gobyerno sa planong industriyalisasyon at pagpapatupadng genuine na repormang agraryo, bukod sa iba pang bagay.

Isang imperatibo ang empowerment ng sambayanan o katiyakang kasama sila sa pagbuo ng patakarang panlaban sa karalitaan (poverty).

Dahil sa naturang statistics, naisiste ng isang manunulat na Pinoy sa kaibigan niyang Chino ang sumusunod:

"Dito po sa amin, pag-aari ng iilang tao ang lahat ng pinakamalalawak: lupain, dagat, papawirin.

"Kalabisang banggitin, kakulangan kundi uungkatin: silang sasandakot ang kumakatawan sa lipunang masagana.

"Kayamanan at kapangyarihan ang mga kaaway ng pang-unawa ng maralita?

"Bubuwelta syempre ang sagot kung sasagana ang mayorya sa amin pong bansa-bansaan." GDP ang malinaw lang na malayo sa bituka.
portada

Tamali - BULAGA NG BULAG

BULAGA NG BULAG

Kumakapa ka ba sa dilim? Baka lasing sa ningning ang iyong mga mata? Nagdaan ako sa ganyan. Isang bulag ang umalalay sa akin, dinala ako sa liwanag.

Sabi ng bulag, walang pagkakaiba ang gabi sa araw, basta tiyakin kung ano ang kakapain.

(BBaltazar)
tamali

Wika Nga - OPERASYON 'SALVAGE'

OPERASYON 'SALVAGE'

Panahon ng rehimeng Marcos nang magsimulang lumaganap ang salitang "salvage" na pagpatay, imbes na pagsagip, ang kahulugan. Kasama sa pagbabagong pangwika ang ganyang kabaligtaran.

Kabilang ang "salvage" sa mahigit 8,000 Enlish-language words sa librong Dictionary of Word Origins na kinatatalaan ng sumusunod:

"Sa puntong etimolohiko, bayad sa pagkaligtas ng barko ang 'salvage'. Dumaan ang salita sa Old French na 'salvage' buhat sa medieval Latin 'salvagium', isang derivative ng late Latin 'salvare' (source ng English 'save').

Sa Filipino, 'salba' ang popular at maaliwalas na katumbas ng "salvage". Pahapyaw na naghaka ang media sa nabaligtad na kahulugan. Baka may kinalaman daw sa bigkas at tunog ng salitang Espanyol na 'salvaje at English na 'savage'.

"Kaligtasan" pa rin ang kahulugang nakakarga sa "salvage" na ipinakahulugan ngang kapahamakan. Noong mga dekada '70 at '80, kaligtasan ng mga salbahe o elementong kriminal ang nakataya. Laganap ang krimen, kasangkot ang mga alagad ng batas, kailangang patayin ang mga kapwa salarin para di sumuko at magtapat.

Saklaw ng kahulugang kriminal ng "salvage" ang mga kaso ng 'desaparesido'--kung matagpuan man ay patay na, "pinatahimik" ng military dahil nagtaguyod ng rebolusyonaryong pakikibaka ang mga biktima.
wikanga

Puting Uwak - KAMING KARIMA NG KARIMA-RIMARIM

KAMING KARIMA NG KARIMA-RIMARIM

Kabit ng mga pandama namin
ang lahat ng rimang karima-rimarim.
Pinagseselosan ang aming kalagayang
kasingganda ng kasalanan.
Dinadasal-dasal namin ang pagkalugod
na bangungot ng iba ang pantustos.
Puting-puti kami, busilak na busilak
sa panahong magkalaguyo ang dilim at liwanag.
putinguwak

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next