SANDUGUAN SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA
Nagtetengang-kawali silang nasa itaas at nasa ibaba kapag may nag tatanong kung magkatapat ang langit at pusali.
Mga paham sila sa paglikha ng kapahamakang sa iba nauukol at bubukol.
Manipis ang pagkakaiba ng panghihimasok sa pakikisangkot, aminin mang nagkakasakitan sa pagmamalasakitan ang nasa sentro, pasilyo at sulok ng kapangyarihan.
Naipatak ng sanduguan ang kalatas: kahangalang habambuhay na tumaga sa bato at sila na iisa ang kaliskis ay laging namumurong mausig.
Nagkatali at nagkatalik ang matibay at marupok, pinabukol at pinatayog ang mga layuning naging kalansay gayong hindi nagkalaman, hindi nagkadugo. Itinatapon muna nila ang kawali kapag nakaamoy sila ng salapi mula sa langit at pusali.
(Boni Baltazar)