PAGPATAY NG ORAS SA 'ARAW NG MGA PATAY'
Pantapat ng Pinoy ang 'Undas' sa Todos los Santos (Araw ng mga Banal). Bakit itinatapat din ang katawagang 'Araw ng mga Patay'? Tila mali o tila tama?
May ganitong argumento: mababa ang grado ng sangkatauhan sa halagahang sagrado. Excellent sa banal-banalan.
Pwes, ligtas na sagot ang Undas o Araw ng mga Utas. Sino'ng nakatitiyak na santa/santo nga ang sumanitso.
Di-perpekto, dahil mga tao rin, silang nagdedesisyon sa kasantohan ni ganito at gayon.
Minsan sa santaon, dagsa ang mga ulila, kandila, korona, pagkain, etsetera sa mga sementeryo. Binabasag ng nabubuhay ang katahimikan sa teritoryo ng nagsiyao.
Okey, kung hudyat iyang nahimasmasan ang tao, gumagalang sa alaala, pumupulot ng aral sa naging karanasan ng mga patay.
Baka naman pakitang-tao lang, pakita sa nasa labas, hindi sa nasa loob, ng nitso.
(Celine Labuyo)