balagtas.org

balagtas.org

Saganang Akin - MALUNGKOT ANG PINAKAMAHUSAY (Ayon kay Ernest Hemingway)

MALUNGKOT ANG PINAKAMAHUSAY

(Ayon kay Ernest Hemingway)

Malungkot na buhay ang pag-akda, sa pinakamahusay nitong halimbawa.

Pinapawing pansamantala ng mga grupo ang kalungkutan ng panitikero, pero hindi niya ikinahuhusay ito.

Kasabay ng pagtaas ng pagkilala sa kanya ng madla, kadalasang nabibilasa ang kanyang obra.

Siyang sapat ang husay, na solong umaakda, ay haharap sa eternidad o kawalan nito.

Mapanglaw ang pamamanitik na nagtataglay ng pambihirang kilatis.

(Halaw ni Celine Labuyo)
saganangakin

Bersong Barbero - PAANO TUMANAW NG UTANG NA LOOB? LEONG DE-PUSTISO BAHALANG SUMAGOT

PAANO TUMANAW NG UTANG NA LOOB? LEONG DE-PUSTISO BAHALANG SUMAGOT

Isa pong dentistang mahusay si Andro.
Minsan ay bumagtas siya sa disyerto,
natagpua'y leong nawindang ang ngipin
nang isang kung sino'y tinangkang lamunin.

Naawa si Andro kung kaya bumuo
siya agad-agad ng pustisong ginto.
Eksakto ang sipat gayundin ang sukat,
sa bibig ng leon ay lapat na lapat.

Paglipas ng ilang taon, ineksibit po
sa Roman circus ang Kristiyanong dentist
bago ibalato sa kawan ng hayop
na pawang mabangis, gutom sa paglusob.

Lumabas ang isang leon sa kulungan
saka nakanganga, Andro'y nilapitan;
natiyak na gawa niya ang pustiso,
nakilalanaman ng hayop si Andro.

Paghimod sa paa ni Andro ng leon,
ito sa sarili ay biglang nagtanong,
"Anobang paraan ang pinakatampok
bilang pagtanaw ko ng utang na loob?"

Naisip: "A, siyang sa aki'y nagligtas
ay karapat-dapat bigyang publisidad."
Ilang sagpang lamang, inubos si Andro
ng leon sa tulong ng gintong pustiso.
bersongbarbero

Tularaw - PAG-IBIG: ISANG DEMONSTRASYON

PAG-IBIG: ISANG DEMONSTRASYON

Ano pa ba ang di nasabi tungkol sa romantic love? Wala na. Pero maraming dapat ipakita. Isang demonstrasyon nito ang "Bisperas ng Kasal" ni Amado Amorco:

Mahabang putol ng iyong malusog malago maitim na buhok
ang ibinunyag ng kahong dumating.

Bumuhol sa aking panimdim
ang kasamang kalatas:
hindi ganap na hihiwalay
ang sintang ihaharap
ng iba sa altar.

Ano pa ang maiuukol ko
sa pampalubag-loob na ito?

Hindi puputi ang munting bungkos;
makakapal na hibla ng alaala
ang mag-uunahang kumupas
at malagas, habang nakalilim sa sinawing palad.
tularaw

Puting Uwak - ANG MALAGIM NA SORPRESA NG MAGANDANG ESTRANGHERA

ANG MALAGIM NA SORPRESA NG MAGANDANG ESTRANGHERA

Bisyo ng komunidad: hubaran sa tingin ang sinumang estrangherang dumating.

Minsan, isang babae ang napadpad doon, nakasuot ng itim na salamin at bestidang may disenyong puting uwak; maganda siya, mula ulo hanggang paa.

Tumutok sa kanya ang mga mata ng lahat ng dinatnan

Agad at ganap, nagdilim ang paligid.

Hubo at hubad, humalakhak ang estranghera sa gitna ng komunidad na binulag niya.

(Celine Labuyo)
putinguwak

Wika Nga - SI 'MISS BLURB'

SI 'MISS BLURB'

Nakikinabang ang industriya ng advertising sa isang artipisyal na salitang inimbento ng humorist na Kanong si Gelett Burgess.

Patok siya sa readers at listeners noong 1920s at 1930s nang makatuwaan ni GB na paglaruan ang diskarte ng advertisers.

Naghanda ng dummy book jacket para sa convention ng isang publisher, nagnakaw siya ng sketch ng isang kaibig-ibig, kabataang babae at idinispley niya ito.

Nilagyan ni Burgess ng maikling endorsement ni "Miss Belinda Blurb" ang libro. Nagtagumpay si GB: nakabilang sa sirkulasyon ang pekeng entusiyasmo ni Belinda Blurb.

Tinawag na "blurb" ang anumang abisong papuri sa ibinebentang libro, plaka, kotse, etsetera.

(Batay sa librong Why You Say It ni Webb Garrison)
wikanga

Puting Uwak - HULING POOK NG LAGALAG

HULING POOK NG LAGALAG

ni Vivo Palomo

Naiwan sa walong pugad mo ang lahat
ng saplot maliban sa itim na bahag,
nang gabing sumumpong ang paglalagalag
at napahantong ka sa dulo ng landas.

Ipinaaninaw ng walong bituin
ang iyong anino sa bingit ng bangin.
Lumitaw ay mutyang higit na matiim
ang tingin sa inyong pingkian ng tingin.

Nakalas ang bahag at nagbaga kayo
sa balumbon niyang nagsusumilakbo,
saka ibinulid ng hanging masikdo
sa banging nilagom ng apoy at bango.

Isang pook ito ng iyong pag-ibig,
na tila totoo, sa muling paglihis:
daang ikasiyam ng huling paghilig
na di pagkabuwal lamang ang nasilip.

Nasa walong pugad ang lahat ng saplot
na sa alaala laang ipasuot,
kung may isang talang tutulong umarok
sa pagkawala mo sa dulo ng pook.
putinguwak

Obra Muwestra - LIHAM NI RIZAL SA UNANG KATIPAN NIYANG 14 ANYOS

LIHAM NI RIZAL SA UNANG KATIPAN NIYANG 14 ANYOS

Ikaw, Segunda
ang nagsimulang magturo
sa akin ng kataka-taka,
kapana-panabik,
kapanga-pangambang pagpintuho.

Ninais kong talikuran ang layuning nailunsad:
may katipan ka na,
ayokong makasugat sa pag-ibig
ang aking panig.

Tinipan kita sa panaginip;
nagisnan sa siyudad;
pinagliwanag ng pagtalikod mo
sa kanya ang pitak sa damdaming ito.

Pinantig ta
sa pintig ang unawaang ganap
na mamumukadkad
kapag nagkita tayo sa Laguna.

Bakit nagdalawang-loob ako
nang dumating
ang sasakyan mo, nagwagayway ka
ng panyolito,
at natulos ako sa gilid ng daan
at naghubad lang ng sumbrero?

O, masimbuyong pagwawari...
Ay, pagkakiming naghari.
Pasintabi kung tuluyang naglaho
sa paningin ang umasang paraluman.

Senyorita Segunda Katigbak:
Habang naglalakbay
at nagsusunog ako ng kilay
sa malayong lupalop, naglalayag sa balintataw
ang isang dalagita--

Siya na unang guro ng puso
ng kabataang anak ng Kalamba.

--Tula ni LAMBERTO E. ANTONIO
obramuwestra

Tamali - DOKLING SA (MEDICAL) PROFITEERING (Una sa 2 Bahagi)

DOKLING SA (MEDICAL) PROFITEERING

(Una sa 2 Bahagi)

Karga pa ba ng RP media ang ad tungkol sa dapat bilhing food supplement at pantakot na bawal magkasakit? Ang tiyak ay konektado ito sa duel ng health care at profit principle.

At pinakatiyak ang patutsada ng isang social critic: "If there is one area of human endeavor where private enterprise doesn't work, it's health care".

Si Barbara Ehrenreich ang critic. Sa isa niyang libro, may seleksiyong nagsasaad ng sumusunod (na halaw).

Isang partikular na lurid case ng medical profiteering ang nasa porma ng isang Dr. Prem Reddy, "who owns 8 hospitals".

"I do not begrudge any physician a comfortable lifestyle," ani Barang, "good doctoring is hard work-but Dr. Reddy dwells in a 15,000-square foot mansion featuring gold-plated toilets and keeps a 2nd home, valued at more than $9 million, in Beverly Hills as well as a $4.4M helicopter for commuting".

(Tatapusin)
tamali

Bersong Barbero - DISKARTENG PAMBATA NG ISANG MATANDA

DISKARTENG PAMBATA NG ISANG MATANDA

Tulang pangmatanda
ay singitan ko raw
ng pambatang tula
kahit na pahapyaw.

Okey, may naimpok
ang barberong gurang
na apat na tumpok
nitong kamusmusan.

(1) ANYAYA NG AMPALAYA

Gulay na mapait,
berde at kulubot,
kainin mo, paslit,
ikaw ay lulusog.

(2) AAKALAING GARDEN

Lirio, bulaklaking
baro ang suot mo,
baka ka habulin
niyong paruparo.

(3) NAKATINGIN SA BUWAN

Pusa kong maitim,
nasa pasamano;
gusto bang sagipi'y
buwan sa estero?

(4) KAY ISKONG IKOT

Hilig mo'y umikot
sa bakanteng lugar;
may trumpong napulot,
naging kaikutan.
bersongbarbero

Tamali - DOBLE ABISO

DOBLE ABISO

(1) KABALAHIBO

Buntot mo, hatak ko;
sungay ko, pigil mo,
kaya nasiguro:
magkabagay tayo.

(2) KONTRAPELO

Aalayan kita
ng rosas na pula,
bago ka pigtalin
ng aking patalim.

(Celine Labuyo)
tamali

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 210 next