Sa ilong ko ibinulong ng amihan ang balitang masaya ka nang pumanaw, ibinigay ang huli mong kahilingang makahitit ng sanhi ng karamdaman. Inilulan ko sa usok ang mataos na dalanging mamanatag ka nang lubos; mga upos sa ibabaw nitong puntod ang iiwang alaalang hugis-kurus.
Yumao noong 17 Abril 2014 si Gabriel Garcia Marquez, ang manunulat ng Colombia. "Internationally acclaimed" ang kanyang mga nobelang "One Hundred Years of Solitude"(1970) at "Love in the Time of Cholera"(1988) at maging ang maiikling katha niya.
Nag-aral ng batas, nagsulat ng screenplay, nagreporter para sa peryodikong Colombian na El Espectador, at nagkorespondentsa Rome, Paris, Barcelona, Caracas at New York, pinagtambal ni GGM ang malikhaing pagsulat at mapagsiyasat ng pag-uulat.
Nakahulma sa kombinasyong ito ang reputasyon niya kaugnay ng "magical realism". Nanalo siya ng Nobel Prize for Literature noong 1982.
Isang imahen ang nagpapaigkas ng mga istorya ni Garcia Marquez: sumisibol at lumalago sa ulo niya ang imahen hanggang mabuo ang akdang puwedeng maranasan sa tunay na buhay.
Isinilang sa Aracataca, Colombia noong 1928 si GGM na nagwika minsan: "Mula nang naisin kong maging manunulat, wala kahit sinong nakapigil sa akin. Maging pinakamahusay na writer sa buong mundo ang natitirang bagay na magagawa ko".
Tularaw - KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.
KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.
ni Boni Baltazar
Kambal na retador ng mortalidad ang gunita at haraya.
Muling lumalalang ng mundo ng lipol na lahi siyang pinawanahan ng pighati.
Silang nangamatay ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihan sa pagbubuo: iniuukilkil ang kaayusang iginuho ng pagbabagong mapang-aglahi; humahangos ang kanilang abuhing mga tinig na nagtutustos ng maalab na hininga sa kanyang panitik.
Nasa mundo nila ang mundo niya ngayong umiikot nang walang pagkahambal sa mga kalansay na naglutang sa mga dagat, naghambalang sa mga lupalopng modernong panahon.
Isinasatinig niya ang napugto nilang mga pangarap, hinahango ang isang kahapong karapat-dapat maitampok.
Selebrasyon ito ng karera niyang mapaghanap, mapag-ampon, at mapanghusga--
Negasyon ng mga sublebasyong panlipunang pinag-aanihan ng lagim ng sangkatauhan.
Mayo'y narito na. Araw ng Paggawa ang basal na hasik sa ating gunita: pawis, luha't dugong sa obrero mula ang sinasariwang pangunahing paksa. "Siyang di kilala't malimit madusta, ating kilalaning bayani ng madla". Mensahe ng Mayo Uno ay may wisik na paghihinagpis at paghihimagsik: uring manggagawa'y lalong nagigipit habangang mayama'y yumayamang higit. Gayunman ang Mayo ay ikinakabit sa saya at siglang ayaw raw pasaid. Abalang masayang mabangong makulay ang Mayo na hitik sa mga larawan; kahit ang tag-araw ay namamaalam, maayang panahon ang ibig silayan; kundi sunod-sunod, suson-susong tunay ang dinadaluhang pista't santakrusan. Buwang ikalima'y sadyang masagisag sa buhay ng Pinoy noon ngayon bukas. "Buwan ng Bulaklak" kahapon ang tawag, sa kasalukuya' buwan din ng prutas. Ang Mayo, sa ganang iba'y walang kupas o di nagmamaliw yaong halimuyak.
Isang salin sa Filipino ng 'quote', 'quotation' at 'copy' ang salitang-ugat (rootword) na 'sipi'. Anagramatikong mahuhugutan ito ng 'pisi' (string), 'isip' (mind, thought) at 'ipis' (cockroach).
Kailangang ayon at alinsunod sa konteksto ang pagsipi bilang ayuda sa punto de bistang ipinahahayag ng sinumang sumisipi.
Isang layunin sa pagsipi ang 'magpapogi'. Halimbawa, ng politikong pulpol na umaastang matalas ang ulo. O ng pastor na nagpapalawak ng relihiyosong kawan niya.
Ang pagiging 'out of context' ng kinauukulan ay puwedeng udyok ng hangad na pagtugmain ang retorika at realidad na magkataliwas naman.
Kung alam mo ang bagay na ito, di mo siguro gugustuhing lumitaw na meron ka ngang isip, pero may tali itong pisi at pinamamahayan ng ipis.
Nagtetengang-kawali silang nasa itaas at nasa ibaba kapag may nag tatanong kung magkatapat ang langit at pusali.
Mga paham sila sa paglikha ng kapahamakang sa iba nauukol at bubukol.
Manipis ang pagkakaiba ng panghihimasok sa pakikisangkot, aminin mang nagkakasakitan sa pagmamalasakitan ang nasa sentro, pasilyo at sulok ng kapangyarihan.
Naipatak ng sanduguan ang kalatas: kahangalang habambuhay na tumaga sa bato at sila na iisa ang kaliskis ay laging namumurong mausig.
Nagkatali at nagkatalik ang matibay at marupok, pinabukol at pinatayog ang mga layuning naging kalansay gayong hindi nagkalaman, hindi nagkadugo. Itinatapon muna nila ang kawali kapag nakaamoy sila ng salapi mula sa langit at pusali.