Ang maganda ngayon, ayaw nang pabugahan ng tubig ang demonstrasyong nagbubuga ng talumpating maapoy.
Naiisip ito ng miron na tumilapon, gininaw at sinumpong ng hika, sa sinalihan niyang demong kinanyon ng mga bombero noon.
Higit na maganda, o pinakamaganda kung magagaya sa akin ang nangarito sa kilos protesta. Naisipdin ito ng beterano ng larong sala sa lamig, sala sa init.
Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Una sa 3 Bahagi)
'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Una sa 3 Bahagi)
Tinutukoy ng 'ngayon' sa titulo ng katipunang ito ng halos 50 kolum ni Bienvenido A. Ramos ang panahong umiiral sa bansa ang martial law. Dalawang ulit (1979 at 1981) nanalo ng Grand Opinion Award sa Catholic Mass Media Awards ang pitak ni Ramos sa magasing Liwayway na inedit niya noon.
Ipinagugunita ng serye ng 'parang editoryal o opinyong' ito ang 'literatura ng kumprontasyon' at 'literatura ng sirkumbensiyon' na kinailangang pagpilian ng mga manunulat sa naturang yugto ng pagbabawal ng rehimeng Marcos ang pagsulat tungkol sa dahas at sex at lalo na, ang pagpuna sa gobyerno.
Na matagumpay namang nagampanan ni Ramos ang tungkulin niya bilang editor nang di siya lumitaw na subersibo sa tingin ng rehimen ay isang indikasyon ng pagpapairal ng sariling pakahulugan sa dalawang paraang iyon ng pag-akda.
Sa mga piyesa ng katipunan, pinagsugpong ni Ramos ang kumprontasyon at sirkumbensiyon sa talakay ng mga isyu.
May tuon sa kostumbre ng mamamayan at pailalim na hagupit sa sistema ng pamamahalana ang paninikil ay ikinukubli ng mga slogan gaya ng 'Bagong Lipunan', 'demokratikong rebolusyon' at 'Bagong Republika.'
Kung ibibilang ang taon 1983 nang patayin sa dating MIA ang isang magiting na balikbayan, tatlong dekadang mahigit ngayon ang balik-demokrasyang naitala ng people power (tatlong taon makaraan ang asasinasyong iyon).
Tila nakabuhol ang kahulugan ng pangyayari sa basta pagbagsak ng diktador na inihudyat ng pagbagsak ng balikbayan sa tarmac. Kalas-kalas naman ang progressive sectors na pinalilitaw na buo bilang 'lipunang sibil' gayong etsapwera sa espasyong demokratiko.
Pinansin ito ng kabayan nating writer Jorge Arago na nagsabi: "As in previous turnover of power in our society, that space has been hogged by the elite and its own running dogs, to the exclusion of particular groups: the teacher-student, the art-media and the scientific communities."
Makabuluhan para sa sambayanan ang panawagan niya: "Now is the time for artists and scientists and academe to come together ang create a concrete democratic and unifying basis for mutuality in our society."
Ang buklurang ito, aniya, ang papat nubay sa kaunlaran "that is in step with the development of the rest of the global community, while using distinct Filipino methods, skills and talents we have painstakingly evolved through all the regimes under which we have worked."
Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Ika-2 Bahagi)
'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Ika-2 Bahagi)
Nailakip ni B. A. Ramos sa kanyang karera bilang makata-mangangatha ang kritika ng mga halagahang bumabaluktot sa asal ng indibidwal at bumubulok sa institusyon.
Naibuklod sa mga isyung pambarangay at pambansa ang mga pangyayaring pandaigdig, isang negasyon ng lakas at talinong nalulustay.
Naglalahad siya ng mga kabatirang piniga mula sa mga tunggalian; mahahalata ang rubdob sa pagpapanukalang bukod sa pagsalungat sa tiwaling gawain, imperatibo para sa indibidwal at institusyon ang "pagsasaliksik-kaluluwa."
Ang ganitong postura at praktika ni Ramos, sa pagsulat ng opinyon, ay positibong halimbawa ng populistang pag(papa)dulog.
Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Ika-3 at Huling Bahagi)
'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Ika-3 at Huling Bahagi)
Gumagamit si Ramos ng mga salita at praseng "malapit sa bituka ng masa." May metaporikong takbo ng diskursong nakabatay sa karanasan na (inaakalang) pamilyar sa mayorya ng readers.
Matagal nang pinabagsak ng people power ang rehimeng Marcos at nasundan ito ng isa o dalawa pang gayong pagkilos na "extra-constitutional." Pero ayon sa malalim na pahiwatig ng awtor, tila hindi natuto ang mga mamamayan sa mga aral ng kasaysayan.
At tila kailangan ding manatiling 'ngayon' (kasalukuyang panahon) ang 'noon' para muling tangkaing maibalik ang (marangal na) ideal--o yaong mithing hindi nakakanal sa materyosong konsiderasyon.
Sa isang seleksiyon, ganito ang pagwiwika ni Ramos: "Bumabagtas ang bansa sa nag-aalimpuyong unos, unos na siyang lohikal na bunga ng ating inihasik na hangin sa nagdaang mga panahon ng ating pagpapabaya, pagpapaubaya, kahangalan at pagwawalambahala."
Saganang Akin - 'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK (Halaw kay Tom Shippey)
'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK
(Halaw kay Tom Shippey)
Pagkawasak ng mga bathalang lumaban sa mga kampon ng demonyo ang 'Ragnarok' ng mitong Norse.
Kung talo (sa bersiyong ito ng Armageddon) ang mga diyos at mga taong alyado nila, bakit papanigan natin sila? Bakit hindi tayo gumaya sa masasama o maging tagasamba ng demonyo?
'Potent but terrible' ang turing sa kasagutang tunay na magiting. Makontrol man ng tiwaling mga puwersa ang uniberso at tila di na ito mababawi o matutubos, hindi iyon sapat upang bumaligtad o lumipat ng panig ang bayani.
Sa tradisyonal na punto de bistang Kristiyano, may pabuyang langit at salbasyon ang nagmamagiting laban sa kasamaan.
Pero sa Ragnarok, ang tanging pabuya ay 'somber satisfaction' sa ginawang kabutihan. Dito, kung gayon, maingat na inaalis ang 'easy hope' upang ang kinauukulan ay maging makamalayan sa mahabang pagkalupig at kapahamakan.
Isa itong teorya ng kagitingan o katapangang nilimot ng modernong panahong 'nakikibayani' laban sa mismong (tunay na) bayani.
Tatabunan at hindi lilingunin ng panahong lilipas ang bakas ng tao at pangyayari at ang paligid.
Huwag balewalain ang pansing may puwang ang tadhana para sa paglimot.
Isang libro tungkol sa buhay ng isang babaing sumilang at nagkaisip sa dating USSR na nagdesisyong tumira sa US ang pinuri ng critics.
Mahusay ang pagkabuo ng awtor (babaing ito mismo) sa mga sariling gunita. Pulido ang paggamit niya ng English kahit di ito ang wika sa pamayanang kinagisnan niya.
Bago nailibro ang memoir, tinanggihan itong ilathala ng isang publisher. Pinintasan: mali ang diskarte, walang kabuhay-buhay ang pagbabalik-diwa. Nalimbag lang matapos muling sulatin ng awtor.
Sinabi niya sa media na isang guro ang pumatnubay sa pagpapahusay ng obra: dapat malalimang hukayin ng manunulat ang panahong nakalipas, hanguin ang makahulugang pangyayari sa buhay.