Bersong Barbero - KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER
KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER
Anim na distrito ang iniikutan ng isang ginoong Amante ang ngalan; nagrarasyon siya, ayon sa usapan, ng pitumpung lingap sa pitong maybahay.
Kahit layo-layo ang mga distrito, araw-araw siyang paroon-parito; ang bawat paggrahe nakakalendaryo pati paghagibis patungong trabaho.
Bobo kung ituring sa Amante noon: naghaiskul tumigil nagpakabulakbol, isa't kalahating buwang nagjanitor saka biglang-bigla, tumabo ng milyon.
Sampung sunod-sunod umanong bin'wenas sa sabong at naku, lalo pang pinalad sa 'weteng at ibang pagbolang may jackpot-- hayun nagkamansion, sa numero buhat.
Kasal si Amante at sa kanyang ginang ay may walong anak na laki sa aral; dalawampung supling ng kasal-kasalan ang paproxy niyang inaalagaan.
Halos sabay-sabay kung magdalantao ang ginang at anim sa ibang distrito, may tigdadalawang sasakyang magarbo at nagtatabaan ang account sa banko.
Ilang mainggitin ang nakapagdili: hindi sa sugal lang hiyang si Amante; nag-ulit ng tudyo ng isang alkalde tungkol sa ulupong na dating bulati.
Sa performance niya, isang obligasyong sumaludo lagi kay ganito't gayong kumare't kumpareng mas nasa posisyon para makatiyak siya ng proteks'yon.
Dahil may negosyong litaw at maunlad at baryang regular ukol sa karidad, umabot sa anim na libo ang k'wintas ng papuring suot niya sa paggayak.
"Dodoblehin ko na ang bilang ng district ngayong kayang-kaya ng puson at wallet," sabi sa sarili matapos magbihis ng napakapalad na Amante Saez.
Pinaksa minsan sa isang world meeting sa PICC ang pamilyang Kristiyano bilang "simbahang domestiko."
Tinalakay roon ang role ng pamilya sa buklurang magtatakda ng tunguhing pandaigdig.
Ugnayang Diyos at tao ang tinalakay rin ng isang manunuri. Aniya, larawan ng poverty ang Pinoy piety: lambong ng ating pambansang kaluluwa.
Namamanata lang tayo pag hihingi ng pabor, halimbawa, panalo sa lotto.
Magkapareho ang tabas at tela ng buhay politikal at buhay relihiyoso ng Pinoy. Tingin niya sa gobyerno: malayo pero mapag-arugang bathala, mudmod ay pabor imbes na kapangyarihan.
Sinasabing nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang biyaya. Para sa Pinoy, nasa Diyos pati gawa.
Sa pagiging pabaya ng Pinoy, pantakip niya ang dobleng "pabuya" ng Bathala.
Hiniling ng isang masisteng kostumer na ang mga trapo'y pakunwang sambahin; dahil mahilig din magsiste si Gusting, heto'ng nirimahang resulta ng hiling:
SALUDO SA TRAPO
Okey sunduin and obispo: hingalo kasi ang aking amo.
Ang kumpisal ay bawas-bagahe ng budhing bugbog-sarado sa atake. Mapilitan sanang magsisi.
Igawa natin siya ng monumento: mayparu-paro't balimbing sa ulo at bakod na salaming lagpas-tao.
Amuyong niya akong laging tatanghod kahit lasing, tag-araw man o tag-unos.
Nakatipon sa DOBLE TRES, DOBLE UNO ni LAMBERTO E. ANTONIO ang mga piling sanaysay na nagpapalawak sa kahulugan ng ganitong komposisyong panliteratura. Pinapaksa ng libro ang mga usaping panlipunan at pangkulturang kinakaharap ng sambahayan at sambayanan sa kasalukuyang siglo. Muling makikita sa katipunang ito ang husay at lalim ni L. E. Antonio bilang manunulat.
Obra Muwestra - DOBLE TRES, DOBLE UNO: BAGONG LIBRO NI LAMBERTO E. ANTONIO
DOBLE TRES, DOBLE UNO: BAGONG LIBRO NI LAMBERTO E. ANTONIO
Katipunan ito ng 33 sanaysay sa pamilya at lipunang Pilipino na pinili mula sa mga akdang sinulat (1977-2008) ni LEA at inilathala kamakailan ng Ateneo de Manila University Press.
Ayon kay Antonio, marami siyang nabuong kuwento, nobelang kapos at tula na "nahubaran ng maskara" makaraang paulit-ulit niyang basahin. "Dapat naiklasipika bilang sanaysay ang mga ito,"sabi niya.
May walo pang aklat si LEA na nagpapakita ng husay, lalim at lawak niya bilang manunulat.
Kabilang dito ang Hagkis ng Talahib: Mga Tula (1980), na katatagpuan ng "tunay na pamumulaklak ng henyo ng makatang nakikisangkot," ayon sa guro at kritikong si Soledad S. Reyes.