Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)
TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
Bahagi ito ng papel na binasa ko sa workshop ng Sulat-Kamay Writers Guild na idinaos sa Cabiao, NE noong last quarter ng 2013.
Pawang liriko ang mga tulang isasalang; bago sinimulan ang talakayan, sinalakay ko ang pangkalahatang tematikong tirada ng nagsidalo.
Ginamit ko ang sumusunod na diskurso batay sa aking piyesang "Berso Buhat sa Baryo".
Sinasagap pa ba ng iyong hinagap ang alingawngaw ng aking tinig? Bumabaling ang talahib, naghahagkis sa katahimikan ng bulaklak na matalim ang hugis. Kinasasabikan ka ng himpilan. Sasambilatin ako ng habagat, ngayong ipinagkakait ng amihan ang iyong halimuyak.
Isang tula ng pangungulila, tila patunay ito sa pansing napagbubuklod ang emosyon at imahinasyon ng objective, malinaw at di-kumbensiyonal na paglalarawan ng kalikasan.
Arkitektoniko ang solong estropa. Pampasidhi sa damdamin ng paghihintay ang mga tunog ng siyam na linya.
Siyam din na hinati sa 3 clusters ang pagririmang pandulo: magkasunod at magkasalit, na sinuhayan ng ibang salitang kasintunog.
Allergic sa pagtitip ang isa kong kabarkada. Pagpapawili raw ito para maging palaasa ang tao.
Sa beerhouse, tila salot na iniiwasan ni Bark ang GROs kahit supersexy. Never siya nagteybol. Sobra na'ng patong sa presyo ng lady's drink, daig ko pa ang nagtip, angal niya.
Nagpizza kami minsan. Pagpunta niya sa CR naglagay ako ng coins sa mesa para sa waiter naming may ipinababalot sa counter.
Pagbalik ni Bark napansin ang coins, kinuha ibinabalik sa akin. Inignor ko kunwa kaya ibinulsa niya.
Paalis kami sa pizza parlor nang humabol ang waiter. Cesar po'ng ngalan ko, sir, sabi nito kay Bark. Di po ba ang para kay Cesar dapat ibigay kay Cesar?
Naobligasi Bark na isa-isang ipasahod sa palad ng waiter ang coins.
Nakataxi na kami nang sabihin ng kabarkada: Naisahan ako ng kumag, matalas na ang mata mahusay pa sa lohika!
Sa Freedom in the World 2014 report ng Washington-based Freedom House na sumaklaw sa 195 bansa, 88 ang klasipikadong "malaya" at 48 ang "hindi malaya".
Pakonsuwelo sa Pilipinas: ipinasunggab dito ng FH ang "best score" sa hanay ng lahat ng bansang kasapi sa Asean, na pawang "partly free" gaya ng Indonesia, Thailand, Singapore at Malaysia.
Nasisipat sa ulat ang paghilahod pa rin ng RP sa maraming larangan, na maraming kahinaan. Sa economy, halimbawa, nakakubabaw ang mga monopolyo at "oligopolies".
Ergo, dakdak lang ang diumano'y patas na kompetisyon.
Winawari na konektado sa sitwasyong iyan ang pagtalamak ng katiwalian at pagsikil sa mga tagataguyod ng kapakanang pampubliko.
Imbes na ipagyabang natin na sa Asia ay RP ang "balwarte ng kalayaan", pagtugmain natin ang sistemang demokratiko at tunay na pangangailangan ng ating sambayanan.
Isang Ruel Gamboa, "kontratistang nakabase sa Cabiao, Nueva Ecija" ang ibinabalang "nakapanloloko" dahil sa "kahenyuhang magpakuno."
Itinimbre ng mga Kabyawenyong "nabiktima" ni Gamboa na "ibinibitin saka pinagtataguan" nito ang kakontratang verbal sa construction o renobasyon ng bahay.
Hihingi raw ito ng cash na pambili ng lahat ng kailangang materyales at pambayad sa serbisyo niya at kanyang workers, titiyaking matatapos ang trabaho alinsunod sa itinakdang deadline.
Laging kulang ang materyal at tauhang dumarating, magpapanukala na gawin din ang gayon at ganito saka hihingi muli ng pera.
Paulit-ulit na maatraso ang trabaho at maiinip maiinis ang kakontrata, ipasasauli na lang ang perang "malinaw namang di naipambili ng materyales.
Kukuha ng ibang kontratista siyang "binibiktima" at iyan ang palusot ni Gamboa. Tinapos ng biktima mismo ang usapan, di na talaga sisipot sa trabaho si RG na "mahusay bumuladas" pag sinisita.
Ang babalang ito ng victims ay may aral na kung bakit nililimot ng marami sa atin: meron lang nanloloko kung may nagpapaloko.
Posibleng may mga kapangalan-at-kaapelyido ang "kontratistang" ito. Basta iwasang makipag-deal sa isang Ruel Gamboa na "sanay sa layaw mula sa kontratang laway," anang victims.
Tamang panukalang pantaga-at-pantagay sa maling kalagayang umiiral ang (salungatang) masayang paghasaan ng kakayahang magsuri.
Bilib ako sa manunulat na "satirada" ang approach, satirikong tumirada. Gaya ni Barbara Ehrenreich, social critic ng Amerika.
Ms. Ehrenreich's acts of kindness, by no means random, aim to kill. And, in a larger sense, to save (anang The New York Times).
Kaipala, taglay ni Barang ang "(Mark) Twain-like talent for turning a phrase, which makes her much fun to read and downright irrefutable," ayon naman sa San Francisco Chronicle.
Isang pruweba ng galing na iyan ang panimulang pangungusap ni Barang sa essay niyang God Owes Us An Apology na kabilang sa librong This Land Is Their Land:
"The tsunami of sea water that hit South Asia was followed instantly by a tsunami of spittle as the religious sputtered to rationalize God's latest felony."
Saganang Akin - AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Una sa Dalawang Bahagi)
AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Una sa Dalawang Bahagi)
Noong 1976 nakita ko sa unang pagkakataon si Hilda Koronel sa shooting ng "Insiang" sa Women's Correctional Institution, Mandaluyong City. Iyon ang una't huling punta ko sa isang location ng sineng dinirek ni Lino Brocka.
Sayang! Isa ako sa biggest fans ni HK na di sinuwerteng makalapit para magpakilala o makipagkilala sa kanya.
Noong Enero 2014, umuwi sa RP ang kababayan kong Andy Tecson, violinist-photographer, konektado sa AJ Press na may mga base sa US. Nalamang iniskrip ko ang "Insiang," dinalaw niya ako.
Inusisa ni AT ang lagay ng karera ko. (Kapwa graduate kami sa isang high school sa bayan namin, pamilyar sa hilig ng isa't isa.
Mahabang kuwentuhan. Bago umalis, bumili si Andy ng isa kong libro, humingi ng aking resume, posible raw mainterview ako ng press nila. Higit sa lahat, pinasulat ako ng liham, ibibigay raw niya kay Hilda. Kakila niya ito, naninirahan ngayon sa US kapiling ng negosyanteng husband Ralph Moore.
Natuos ko, mahigit 37 taon na pala ang lumipas mula nang iskripin ko ang "Insiang." Dekada '70 ang yugto ng pasiya kong ipampahaba sa sariling career ang paglikha ng Pinoy version ng "artform of the 20th century" (pelikula).
Sa mga nabuo kong iskrip, 2 ang naihanap ng producers; tinanggihang isapelikula dahil parehong "sobrang serious, at magastos."
Isa ang sobra naman sa bakbakan, naisine matapos ulit-ulit na ipabago ang title "para di gaanong mahalatang copy cat ni Charles Bronson ang bidang Pinoy. May naka-troika ako sa iskrip na ito.
Saganang Akin - AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Huling Bahagi)
AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Huling Bahagi)
Isa ko pang iskrip ang naisine rin; nang itanghal saka ko lang nabistong nilapa ang diskarte ko at iniba pati takbo ng istoryang sex comedy.
Ayoko na sanang sumawsaw sa pelikula. Tinutukan ko nang husto ang mga trabahong pampublikasyon.
Bigla, kinontak ako ni Lino Brocka, inalok na gawin ko ang screenplay adaptation ng "Insiang" (teleplay ito ni Mario O'Hara).
Sa loob-loob ko, sino akong iisnab kay Brocka? Ora mismo, naakit ako na muling sumabay sa kalakarang "mulang print tungong screen."
Bilang screenwriter, di ako lubhang dismayado. Permanenteng nakasabit sa "Insiang" ang ngalan ko. Ito ang unang pelikulang Pinoy na itinanghal sa (maprestihiyong)Cannes Film Festival at mula roon, mula noon, ay umorbit sa iba-ibang panig ng daigdig.
Sa aking liham (handwritten) kay "Insiang," isinaad ko, humigit-kumulang, ang ganito:
Hindi ako magtataka kung tulad ng maraming students at kritiko ng literatura ay maibulalas ni Susan 'Hilda' Reid-Moore: "I know the name (akin) but not the man."
Ano't anuman, ang "Insiang" ay mananatiling matingkad na bahagi ng aking karera, gaano man kahaba ang maabot nito. (LAMBERTO E. ANTONIO)