(Mula sa Siyam Nawa at 99 pang Tula ni Lamberto E. Antonio)
Pinapagod ka ng aking alaala, namamagitan ang pitagan.
Ipinagtitimpla mo ako ng kape, pagkapansing minsan pa, mangangahas akong maglayag pabalik sa mundong kayang-kaya kong paikutin sa sariling palad at sa balikat ng mga kapanahong hinukos ng edad.
Idinidikta ng pag-iisa ang magpakaumid, maghinay-hinay sa paghigop, namnamin ang kilapsaw sa balintataw.
Pinagpipitaganan ko ang iyong pahiwatig: na tanging sa isip lamang laging sariwa ang lumipas.
Sa pagkupas ng magdamag, panatag akong naiidlip sa pag-uumaga, umaasang mas maaliwalas ang maghapon at nanumbalik ang sigasig mong magtanong.
Magpapakapagod ako sa pagpapalutang ng pira-pirasong alaala, at sasagipin, sisinupin mo ito.