Mahaba ang katahimikan ng mga kaibigan. Kayrami nila, di man patalunin sa bangin ay gagawin ito, mapatunayan lang sa mundo ang katapatan ng bawat amigo.
Naputol ang isang misyong nakabubuti sa kanila at sa iyo. Pansamantala lang ito, sinasabi-sabi mo sa iyong anino.
Umaasam ka ng text o tinig, huwag nang yabag, mula sa mga kapanalig. Krimen ba ang mithi na mabawasan ang pighati kahit sandali?!
Sa kalagayang iyan, ibig mong magkaroon ng kaaway na magsisigaw ng panghihinayang kung bakit di ka pa natuluyan.
Pampasilakbo ito ng dugo, siguradong titingkad ang kulay ng tagpo.
Nahihirapan silang basahin ang resetang dala ng bawat isa. Ang madali ay sumiksik sa pila, dumampot ng sirup, tabletas, kapsula. Sa pag-uwi, iniisip daw nila ang layo ng lalakarin; wala muling natira kahit singkong duling. Agad mababasa sa mukha ng bata at matanda: Sana, muli silang magkita-kita sa botika, hindi sa punerarya.
Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Una sa 3 Bahagi)
ADAPTASYON NG AWIT NOON (Una sa 3 Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
SARONG BANGGUI (Para kay JMA)
Natingala kita at ito'y sapat na; naglaho subalit dito sa dibdib ko, lumitaw na muli ang kaanyuan mo. Inakalang ganggam sa pananagimpan ang aking narinig habang umaawit, ngunit gising ako at iyo ang tinig. Hugis-mukhang hiyas ang naiwang tatak sa akin ng ganggam at gabing madilim upang sa tuwina ay pakamutyain. (Itutuloy)
Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Ika-2 sa 3 Bahagi)
ADAPTASYON NG AWIT NOON (Ika-2 sa 3 Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
SAKAY-SUKOB
Napakiusapang isakay ang bata, sumagwan pabalik, mula sa Maynila, ang mamang may dalang sambangkang mantika. Napakiusapang isukob ang sanggol, nagpa yong pabalik, mula sa Malabon, ang aleng may dalang sambaldeng bagoong.
Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Huli sa 3 Bahagi)
ADAPTASYON NG AWIT NOON (Huli sa 3 Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
SITSIRITSIT
Sitsiritsit, alibambang, naira os na ang kasal; sa paghimbing ng heneral, ang senyora ay daratal. Dumidinig sa tugtugin ang duluhang sasapitin, sumasayaw ang damdamin sa maputik na landasin. Salagubang, salaginto, may handaang walang hinto: pandalawa at patago, pamawi ng panibugho.
Pagkaalipin at pagkapalaasa ang namamagitan sa tao at kasaysayan.
Radikal na binabago ng panulaan ang ugnayang iyan, na mangyayari lamang kung mapapahamak ang kasaysayan.
Ang lahat ng mga produkto nito ay di basta maghihintay ng kamatayan, dahil nakatalagang may magawa hanggang wakas.
Hindi magkakaroon ng panulaan kung walang kasaysayan, ngunit walang ibang misyon ang panulaan kundi paglagusan at baguhin ang kasaysayan.
Sa ganyang pananaw, ang tanging tunay na panulaang rebolusyonaryo ay yaong apokaliptiko.
Kinailangang lumanghap kahapon ng simoy ng pandaigdigang pagkakaisa ang panulaang nagpapatuloy bilang eksorsismong nangangalaga sa atin laban sa mapangulam na pwersa at dumi.
Ang pagtula ay isang paraan ng pagsasabi ng "Hindi!" sa lahat ng kapangyarihang naghahangad maghari sa ating budhi at lumagas sa ating buhay.
Bersong Barbero - SAKALING MAHILIG PO TAYO SA TSISMIS
SAKALING MAHILIG PO TAYO SA TSISMIS
Iyang tinatawag nating alimuom ay maitutumbas sa sitsit na buhong, makakating dila ang nagpapausbong ng tsismis na sabi'y isa nang propesyon. Inggit ang malimit na sanhi ng sitsit; delikado dahil baka maghimagsik ang sinisiraang pahina-hinagpis at nang maghiganti ay napakalupit. Maipanlalaban sa ganyang sistema? Magpasak ng bulak sa butas ng tenga; kundi hahabaan ang ating pasensya, ilong na may bulak ang magiging suma. Nagiging sukdulan iyang alimuom kung asal ng kapwa ay laging patraidor; mas nakabibingi, sabi nga, ang bulong kompara sa sigaw na dumadagundong. Iyang alimuom kung ibig masagap, kaibiganin mo nang husto ang kabag; pigilin ang utot, habang may kausap, kung bulok ang amoy dahil lalaganap.
Saganang Akin - JORGE LUIS BORGES: MONOLOGO SA LABERINTO
JORGE LUIS BORGES: MONOLOGO SA LABERINTO
Tila nga obsesyon ang gumawa ng kuwentong laging may imahen ng laberinto. Ayaw humiwalay sa imahinasyon ko mula nang una ko itong matuklasan sa library ng ama ko. Ang image ay nasa isang librong may kakatwang ukit sa isang buong pahina, nagpapakita ng gusaling kahawig ng ampiteatro, mabitak, mas mataas kaysa mga sipres at nakatayong mga tao sa paligid.
Inisip ko noon na kung gagamit ako ng magnifying glass, makakikita ako ng isang minotauro sa loob ng gusali.
Ang laberintong iyon ay simbolo ng pagkalito, ng pagkawala sa buhay.
Hindi miminsang hiningan ako ng kuro-kuro hinggil sa "malaberintong" mga akda ko--tila pagkonsulta kaugnay ng "pag-influence" ko sa isang buongsalinlahi ng mga manunulat.
Inaakala ko ba na ang imahen ng pagkawala nating lahat sa isang laberinto ay isang pesimistikong pagtanaw ko sa panahong hinaharap ng sangkatauhan?
Di ganyan kalubos ang pakiwari ko. Naniniwala akong meron ding pag-asa, may salvation. Kung tiyak ngang isang laberinto ang uniberso, makadarama tayo ng kapanatagan.
Minotauro ang kakila-kilabot na sentro ng laberinto. Gayunman, di natin alam kung may isang sentro ang uniberso. May probabilidad na di laberinto ang uniberso kundi gulo at kung gayon, nawawala nga tayo.
Madaling isiping isang maayos na estruktura ang uniberso, pero pwede ring pasubalian iyan at ikatwirang di ito magagamitan ng lohika, o di maipaliliwanag sa sangkatauhan ang uniberso.
Sa ilong ko ibinulong ng amihan ang balitang masaya ka nang pumanaw, ibinigay ang huli mong kahilingang makahitit ng sanhi ng karamdaman. Inilulan ko sa usok ang mataos na dalanging mamanatag ka nang lubos; mga upos sa ibabaw nitong puntod ang iiwang alaalang hugis-kurus.
Yumao noong 17 Abril 2014 si Gabriel Garcia Marquez, ang manunulat ng Colombia. "Internationally acclaimed" ang kanyang mga nobelang "One Hundred Years of Solitude"(1970) at "Love in the Time of Cholera"(1988) at maging ang maiikling katha niya.
Nag-aral ng batas, nagsulat ng screenplay, nagreporter para sa peryodikong Colombian na El Espectador, at nagkorespondentsa Rome, Paris, Barcelona, Caracas at New York, pinagtambal ni GGM ang malikhaing pagsulat at mapagsiyasat ng pag-uulat.
Nakahulma sa kombinasyong ito ang reputasyon niya kaugnay ng "magical realism". Nanalo siya ng Nobel Prize for Literature noong 1982.
Isang imahen ang nagpapaigkas ng mga istorya ni Garcia Marquez: sumisibol at lumalago sa ulo niya ang imahen hanggang mabuo ang akdang puwedeng maranasan sa tunay na buhay.
Isinilang sa Aracataca, Colombia noong 1928 si GGM na nagwika minsan: "Mula nang naisin kong maging manunulat, wala kahit sinong nakapigil sa akin. Maging pinakamahusay na writer sa buong mundo ang natitirang bagay na magagawa ko".