balagtas.org

balagtas.org

Mga Pabliser na Barat at Balasubas: Isang Sulyap

May nagsabing 2 uri ang publishers: BARAT at BALASUBAS.

Sa mahabang danas ko sa pagsulat, may yugtong di ko naligtasan ang pagbarat ng mga lathalaan para sa panitikang komersiyal, dahil iyon daw ang SOP.

Napansin ko noon, exempted sa baratan ang ilang kilalang awtor: malaki ang bayad sa pangalan kahit sampay-bakod ang akda.

Tungkol sa pamba-balasubas, di ko ito naengkwentro.

Malinaw, syempre: meron lang nabarat at nabalasubas matapos ang dyalogong writer-publisher (o sinumang alter-ego nitong huli).

Isang isyu sa pablising ang PAGPIRATA. Isasama ng lathalaan sa textbook o tradebook ang akda mo kahit wala kang permiso.

Ikaw na awtor ang kahuli-kahulihang makababatid, kung may kakilalang magsabing kasama ka pala sa librong nabasa nito.

Kakalampagin mo (dapat lang) ang KASA PERATA, aka lathalaan; pwede kasing ituring na adelantadong pagbalasubas ang gayong kawalang-pakundangan.

Mas iibigin, syempre, ng pabliser na lumitaw siyang KAGALANG-GALANG kaysa KAGULANG-GULANG. Gagawa ng kontratang hirit permit at barat bayad. Bale 'negasyon' ng balasubas.

Isang bagitong editor ang nagbayad agad sa akin ng cash para magamit niya ang isa kong tulang hango sa aking nalathalang librong HAGKIS NG TALAHIB, bago ako pumayag na ibilang iyon sa textbook ng lathalaan nila. Abono niya ang perang ibinayad!

Dahil bagito nga, medyo nagsiyasat pala siya tungkol sa patakaran ng lathalaan nang banggitin ko ang isyung barat-balasubas. "Bulok po pala ang sistema ng pabliser ko. Ayoko na pong muling mag-editor," aniya sa huling pagkausap sa akin.